RUSSIA MAY COVID-19 VACCINE NA

INANUNSYO ni Russian President Vladimir Putin na nairehistro na nila ang kauna-unahang bakuna laban sa COVID-19 na dinivelop sa kanilang bansa.

Ipinagmalaki ni Putin ang nadiskubre nilang bakuna na dumaan aniya sa mga kinakailangang pagsusuri at napatunayang epektibo.

Katunayan, isa umano sa kanyang mga anak ang unang nabigyan ng bakuna.

Ang magandang balitang ito ng Russia ay agad namang naiparating kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang pinagbatayan ng pangulo kaya sa kanyang public address ngayong Lunes ay kumpiyansa niyang inihayag na Covid-free na ang Pilipinas sa darating na buwan ng Disyembre.

Sinabi pa ng pangulo na mai-enjoy na rin ng mga Filipino ang Kapaskuhan.

Pinanghawakan ng Pangulo ang vaccine na manggagaling sa Russia na nakatakdang ibigay ni Putin nang libre.

“Malapit na po. Maghintay lang kayo,” ayon kay Pangulong Duterte.

Binanggit ng Chief Executive na sa buwan ng Setyembre o Oktubre ay handa nang i-distribute ang nasabing gamot laban sa Covid na gagamitin naman muna sa clinical trial sa Pilipinas.

Aniya pa, sinabi ni Pres. Putin sa kanya na kung may medical question ay tawagan lamang siya.

At kung hindi naman maging maganda ang epekto ng gamot sa Pilipinong kasama sa clinical trial ay handa si President Putin na i-confine at gamutin ito sa kanilang bansa.

Isang liham naman ng pasasalamat ang nilagdaan ng Pangulo para kay Pres. Putin.

Samantala, handa si Pangulong Duterte na manguna sa magpapabakuna ng gamot kontra COVID-19.

Giit ng Pangulo, sa harap ng publiko ay magpapabakuna siya.

Ang katwiran ng Pangulo, malaki ang tiwala niya sa ginawang pag-aaral ng Russia sa gamot laban sa covid at ang vaccine aniya ay ‘good for humanity’.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na okay lang sa kanya kung doktor sa Pilipinas o magpatawag pa ng Russian doctor para siyang magbakuna sa kanya ng gamot laban sa Covid. (CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment