SAVE OUR FORESTS NOW, INILUNSAD NI NOGRALES

SA kagustuhang maengganyo ang mga kabataan na protektahan ang kapaligiran, sinimulan na ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ngayong linggo ang Save Our Forests Now sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno.

Kasama ang may 200 estudyante mula sa Colegio de Montalban, University of Rizal Systems at San Mateo Municipal College, nagtanim si Nograles ng 1,000 bamboo sampling sa Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal na kasama sa binaha nang manalasa ang Bagyong Ulysses noong Nobyembre.

Ayon sa mambabatas, magandang oportunidad ang nasabing programa na kanyang sinimulan para maengganyo ang mga kabataan na sumali sa climate advocacy at muling mapuno ng mga puno ang mga kabundukan.

“Marami naman sa kabataan ang handang tumulong. We only have to open up avenues for them to be able to direct their desire and energies to worthy causes,” ani Nograles.

Tiniyak ng bagitong mambabatas na marami pang tree-planting at iba pang environment activities ang nakalinyang ipatupad sa mga susunod na buwan na puwedeng salihan ng mga kabataan upang maproteksyunan ang kapaligiran.

“A large number have expressed enthusiasm over the program, and we will be exploring strategic partnerships with other organizations so we can start a sustainable movement that will hopefully be replicated not only in Rizal but in the whole country,” dagdag pa ni Nograles.

Napaka-importante aniya na simulan agad ang pagpapalago ng puno sa mga kabundukan upang maproteksyunan ang mga tao sa pagbaha kapag nagkaroon muli ng malakas na ulan.

Alam ng mambabatas na limitado na ang pondo ng gobyerno dahil sa patuloy na nararanasang pandemya sa COVID-19 subalit dapat aniyang seryosohin ang reforestation program.

“By implementing disaster mitigation measures such as reforestation now, we can minimize ad hoc allocations for disaster response that we can otherwise pour onto reviving our economy,” pahayag ng mambabatas.

Kamakailan ay inaprubahan na sa House Committee on Government Enterprises and Privatization ang panukala ni Nograles na itatag ang Sierra Madre Development Authority (SMDA) para protektahan at i-develop ang 500 kilometrong kabundukan ng Sierra Madre at maproteksyunan ang mga tao mula Cagayan hanggang Quezon Province sa pagbaha.

“Nagpapasalamat tayo kay Committee Chair at Parañaque 1st District Rep. Eric Olivarez sa pag-apruba ng House Bill No. 5634. Umaasa tayong tuluyan nang maipasa ang panukalang-batas na ito nang maging mas komprehensibo pa ang pagprotekta sa Sierra Madre,” ani Nograles. (BERNARD TAGUINOD)

102

Related posts

Leave a Comment