Tata Gus Villanueva, 83 PAGLISAN NG HALIGI NG PERYODISMO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HINDI kalakihan ang pangakong kinabukasan sa propesyon ng pagiging peryodista sa bansa sa kabila pa ng hirap at peligro kalakip ng trabahong pinili nila. Ito rin marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit marami sa mga mamamahayag piniling magpalit ng karera.

Ilan nga ba ang piniling manatiling peryodista? Ang sagot – konti lang. Isa si Augusto Villanueva. Higit na kilala bilang si Tata Gus, na kabilang sa mga haligi ng pamamahayag.

Pag-angat
ng batang diyarista

Ang totoo, isa si Tata Gus sa pinakabatang naging peryodista. Nagsimula ang kanyang karera sa edad na 17 bilang isang sports writer ng Manila Times, larangan ng pagbabalitang walang kahirap-hirap para sa kanya. Malapit sa puso ni Tata Gus ang Philippine sports. Katunayan isa rin siyang atleta.

Gayunpaman, kinailangan niyang isuko ang kanyang pag-aaral bilang tugon sa malaking hamon sa kanyang piniling karera.

Sa loob ng 17 taon, tinyaga ni Tata Gus ang pagiging sports writer kung saan hindi kagandahan ang kanyang kinikita – hanggang sa dumating ang asam na pag-angat sa karera nang italagang sports editor ng pahayagang Times Journal taong 1972.

Ilang taon pa ang lumipas, itinaguyod niya kasama ang iba pang henyong diyarista ang dalawang tabloid – ang People’s Journal at People’s Tonight na kapwa pinangasiwaan ni Tata Gus bilang punong patnugot (editor-in-chief).

Pakikibaka
ng peryodista

Nang magpalit ng administrasyon taong 1986, kabilang ang mga dyaryong pinamamahalaan ni Tata Gus sa mga inimbargo ng gobyerno. Si Tata Gus kasama ang iba pang mga empleyado, laglag sa pwesto.

Gayunpaman, hindi sumuko ang beteranong si Tata Gus na piniling magsampa ng petisyon kasama ang iba pa, laban sa sequestration ng pamahalaan sa mga pahayagang kanyang itinaguyod.

Habang nililitis pa ang kaso, itinaguyod ni Tata Gus ang News Today sa tulong ng mga kapwa mamamahayag na tinanggalan ng hanapbuhay ng noo’y administrasyong Aquino.

Nang lumabas ang hatol ng husgado taong 2004, balik si Tata Gus sa dati niyang pwesto, kasama ang nalalabing buhay na kasamahang tinanggalan ng trabaho.

Makulay
na karera

Sa umpisa pa lang, alam ni Tata Gus na hindi kainaman ang sahod ng isang mamamahayag, bagay na kanyang diniskartehan sa ibayong sikap, sipag at husay sa panulat.

Ang totoo, mahaba pa ang kanyang inilalagi sa kanyang tanggapan, tumitipa ng mga artikulo hindi lamang para sa diyaryo kundi maging sa iba pang babasahin kung saan siya may napapalang dagdag kita.

Kung susuriin ang kanyang karera – mula sa pagiging sportswriter hanggang sa pagiging patnugot, walang bahid si Gus Villanueva, dahilan para siya’y itanghal bilang isa sa mga haligi ng pamamahayag, bukod pa sa mga pagkilalang sa kanya ay iginawad.

Sa likod ng tahimik na peryodista ay ang mahabang talaan ng pagkilala, kabilang ang Lifetime Achievement Award na ibinigay ng Philippine Sportswriters Association (PSA) kung saan siya nanungkulan bilang Pangulo. Sa kanyang termino rin bilang PSA president nagsimula ang lingguhang PSA Forum.

Huling sulyap

Sa haba ng kanyang karera sa larangan ng pamamahayag, marami na ang kanyang nakasama, dumaan sa kanyang mahigpit na pamamahala, natuto sa ehemplong sa kanya ay nakikita, mga itinuring siyang ama at iba pa.

Kung susuriin ang mga kwento sa likod ng kanilang pagsasama, may mga katangian si Tata Gus na lubhang hahanap-hanapin ng kanyang mga nakasama.

Sino pa ang kanilang lalapitan sa tuwing sila’y kinakapos na (kasi nga di naman kalakihan ang sahod ng mga peryodista)? Wala na silang pagpapaalaman bago umuwi (kasi nga si Tata Gus ang pinakahuling umaalis sa opisina). Wala na rin ang gagabay sa kanilang piniling karera (kasi nga, si Tata Gus ang tipong prangka pero hindi ka ipapahiya). Sino pa ang magtatanggol sa mga karaniwang empleyadong kanyang kasama sa kumpanya (kasi nga, isa rin siyang lider manggagawa o higit na kilala bilang unyonista).

Paalam
Gus Villanueva

Nito lamang Biyernes (Enero 14, 2022), tuluyan nang namaalam si Augusto ‘Gus’ B. Villanueva sa edad 83. Sa kanyang pagpanaw, nag-iwan si Tata Gus ng legasiya ng isang pagiging respetadong peryodista, isang ehemplong magiging huwaran ng iba pang dyarista at mga nagnanais pa lamang pumasok sa peligrosong mundo ng pamamahayag.

Bukod sa pagdadalamhati ng kanyang mga miyembro ng pamilya, pangungulila ang nadarama sa hanay ng mga mamamahayag.

Malaking kawalan si Tata Gus sa industriya.

Related posts

Leave a Comment