MGA MAGSASAKA PATULOY NA KINAKAWAWA

0

HINDI ko lubos maisip kung papaano aasenso ang mga magsasaka sa ating bansa kung walang proteksyon at tulong, totoong tulong, mula sa national government lalo na ang Department of Agriculture.

Mahigit isang taon pa lamang simula nang ipatupad ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law pero lugmok na lugmok na ang mga magsasaka sa kahirapan dahil patuloy na binabarat ang kanilang ani.

Sa amin sa Cagayan Valley, maraming magsasaka ang napapailing na lamang dahil kahit puhunan ay hindi na bumalik sa kanila ngayong panahon ng anihan dahil halos pamigay na lamang ang presyo ng kanilang palay.

Mantakin mo, P10.50 kada kilo lang binibili ng mga rice ­traders ang kanilang palay? P12 ang puhunan ng bawat kilo ng palay kaya luging lugi sila sa ­presyuhan na ‘yan pero wala silang magawa, wala silang ­opsyon.

Maraming magsasaka ang nagkukumahog na mag-ani ­dahil paparating na ang malakas na bagyong si Rolly at dahil ­imposible na ang magbilad dahil araw-araw na makulimlim ang panahon, napipilitan ang mga magsasaka na ideretso sa mga rice traders ang kanilang ani.

Dahil dito lalong bumaba ang presyo ng palay dahil binibili lang ito ng P10 kada kilo at kapag nakiusap sila sa mga rice traders na dagdagan naman, gagawin nilang P10.50.

Hanggang dun na lang daw ang kanilang presyo.

Kesa mabulok dahil wala naman pino-provide na mechanical dryer ang gobyerno, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta na sa paluging presyo ang kanilang ani na tila sinasamantala naman ng mga rice traders.

Kung ganito ng ganito ang ­presyo ng palay, papaano ang mga magsasaka natin na mula noong Marso 2019 nang ­ipatupad ang batas na yan ay binarat na ng binarat ang kanilang ani.

Bago ginawa ng mga ­kongresista at mga senador sa pangunguna ni Sen. Cynthia Villa rang batas na ‘yan P21 hanggang P23 ang presyo ng bawat kilo ng palay pero biglang naging P12 pagkatapos ipatupad ang bata na ‘yan.

Dahil tumatangis ang mga magsasaka, nagpakitang gilas kuno ang mga gobyerno at pinabili ang National Food Authority (NFA) at DA ng palay sa halagang P18 kada kilo lalo na noong unang anihan ngayong 2020.

Pero hindi na naulit. Hindi na naman sila namili ng palay kaya lalong bumagsak ang presyo at ngayon ay binibili na lamang ng mga rice traders ng P10 ang bawat kilo dahil wala silang kaagaw na gobyerno.

Ang masaklap, hindi bumababa ang presyo ng bigas kahit binabarat ng mga rice traders ang palay ng mga magsasaka sa kanilang nasasakupan.

Nananatiling mahal ang bigas kahit bagsak presyo ang palay.

Nakikita ba ito ng gobyerno? Hindi, maliban lamang kung mangangalampag ang media at bago sila kumilos, kung ano-ano pang palusot ang ginagawa nila na kesyo walang pondo para dyan.

Plano pa naman ng ­gobyerno na kumbinsihin ang mga kabataan na pasukin ang pagsasaka dahil mas may potensyal sa sector ng agrikultura kumpara sa white collar job.

Paano maniniwala ang mga kabataan eh alam nila ang kalagayan ng mga magsasaka sa ­ating bansa.

Ang laki ng puhunan, matrabaho pero kapag anihan na, ang mga middlemen lang ang makikinabang?

Related posts

Leave a Comment