AKTIBISTANG MENOR DE EDAD

SIDEBAR

May kasabihan sa wikang Tagalog na puwedeng tiisin ng anak na hindi makita ang kanyang magulang pero ang magulang kailanman ay hindi kayang matiis na mawalay ang kanyang anak at kahit ano pa ang kasalanan nito ay handang magpatawad ang magulang.

Ito ang aktwal na dinaranas ng mga magulang na i­niwan ng kanilang mga anak matapos sumapi sa makakaliwang grupo ng Anakbayan at matagal na panahon na ring hindi nila nakikita at ni hindi nagpaparamdam sa kanila sa pamamagitan ng text message.

Tatlong ina ang nagsilbing resource persons ng Senate committee on public order and security na nagsasagawa ng imbestigasyon noong nakaraang Miyerkoles hinggil sa pagkawala ng ilang mga menor de edad na estudyante na kasapi ng militanteng Anakbayan.

Isa rito si Gng. Relissa Lucena na may anak na senior high school student sa Far Eastern University at matapos ma-recruit sa Anakbayan ay naging aktibis­ta at huling nakita niya lang ang anak noong Hulyo 10.

Ito ang hinaing ni Gng. Lucena: “Sa problema ng gobyerno at leftists parang lagi pong may diskusyon pero iyung mga paghihirap ng mga magulang ‘di man lang na-mention, na kami ang nagpalaki, nag-aruga, tapos ginamit ang anak namin sa politika. Gusto ko lang maibalik ang anak ko, kasi ‘di na ako nakakatrabaho sa bahay namin. Kaya po ako lumalaban ng ganito kasi wala akong pinagkaiba kasi para na nila akong pinatay. Hindi ko kayang mabuhay ng wala ang anak ko.”

Ang masaklap pa sa nangyari kay Gng. Lucena, nag-iwan ng sulat ang kanyang anak na menor de edad na nag-aakusa sa kanya ng pagiging “manipulative, an oppressor, and a hypocrite”.

Nag-aaral naman sa Polytechnic University of the Philippines ang anak na babae ni Gng. Luisa Espina at simula noong second semester ng unang taon sa PUP ay naging kasapi rin ito ng Anakbayan at minsan ay sumama pa ito sa kilos-protesta sa Hacienda Luisita sa Tarlac.

Ito naman ang hinaing ni Gng. Espina: “Magmula nang napasok siya sa Anakbayan na iyan nagulo ang utak niya, masyadong magagalitin. Kapag dinedebate mo siya sa politika, galit siya. Kaya hindi na kami nanonood ng TV kapag nandiyan siya kasi iba na ang pananaw niya sa gobyerno.” Huling nakita ni Gng. Espina ang kanyang anak na babae noong Disyembre 24, 2018.

Anakbayan din ang sinalihan ng anak na babae ni Gng. Elvie Caalaman ng nasa senior high school ito sa PUP. Pero hindi na nagtuloy ang kanyang anak sa kolehiyo at umalis ng kanilang bahay noong Oktubre 2018. Mula noon ay limang beses lang bumisita sa kanilang bahay ang kanyang anak.

“Sobrang sakit na i­na­lagaan mo ang anak mo, tapos pagdating ng gano’ng edad iiwanan ka na lang,” paghihimutok ni Gng. Caalaman.

Nakalulungkot ang paghihirap ng kalooban ng mga inang sina Gng. Lucena, Espina at Caalaman. Bukod sa pare-parehong menor de edad at babae ang kanilang mga anak, pareho ring iniwan sila ng kanilang mga anak para “maglingkod sa sambayanan”.

Likas na ideyalista ang mga menor de edad at madaling mapukaw ang mga damdamin at isipan ng mga aktibistang mahusay magsalita at magbigay ng edukasyon hinggil sa mga problema ng lipunang Filipino at pangangailangan ng pambansang demokrasya.

At mas madaling masapul ng mga kabataan ang mga saligang suliranin ng sambayanang Filipino partikular ang kahirapan kung nanggaling din sa mahirap na pamilya ang mga rekrut ng Anakbayan.

Madali rin para sa mga bagong rekrut na maging “full-time” na aktibista at iwanan ang pag-aaral dahil kumbinsido silang bulok ang sistemang edukasyon at mababago lang ang kasalukuyang sistema ng lipunan sa pamamagitan ng isang pambansa-demokratikong rebolusyon. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment