Alamat ni Manny Pacquiao (Ika-15 Bahagi) Trilohiya ni Manny kontra Erik Morales

MATAPOS malampasan ng Pambansang Kamao ang ­itinuring na madilim na bahagi sa kanyang buhay boksingero – ang pagkatalo niya kay ­Timothy Bradley na ­naging dahilan sa pagkawala ng kanyang korona sa WBO welterweight noong 2012, na sinundan pa ng anim na round na pagkabigo laban kay Juan Manuel Marquez sa pagtatapos ng taon ding iyon– balikan natin ng tanaw ang tatlong laban naman niya sa Mehikanong si Erik Morales.

Marso 19, 2005 nang idaos ang paghaharap ng dalawa sa MGM Grand Arena. Tulad ng kanyang trilohiya kontra Bradley, nabigo si Pacquiao sa unang ­paghaharap nila ni Morales, hindi dahil sa pagkakamali ng mga hurado na tinawag ni boxing promoter Bob Arum na “three blind mice,” kundi dahil sa kanyang sariling kapabayaan.

Lehitimo ang panalo ni Morales, na sa kalaunan ay naging matalik na kaibigan ng idolo ng sambayanang Pilipino. Matapos ang 12 round na sagupaan, ­inamin mismo ni Manny ang kanyang naging kakulangan.

“I couldn’t see out of one eye, and it was very hard. If I am not on one eye, I think I could’ve knocked him out. But I did my best and gave everyone a good fight,” pag-amin ng noon ay kongresista pa lang at ngayon ay senador na.

Talo man, nasiyahan pa rin ang 14,623 kataong nakasaksi sa laban na nakatayo sa upuan mula simula hanggang katapusan ng kapana-panabik na suntukan.

Galing si Manny sa 15 sunod na panalo nang malasap niya ang mapait na pagkatalo na naging dahilan para magkaroon siya ng dalawang laban sa sumunod na taon.

Wagi ang ama ng limang anak niya sa dating beauty queen na kabiyak na si Jinkee sa pamamagitan ng TKO sa ika-10 round sa pangalawa nilang pagtutuos noong Enero 21, 2006 sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas at KO sa 3rd noong ­Nobyembre 18, nasabi ring taon.

Bago ang pangalawang sagupaan nila ni Morales, pinatulog muna ni Manny si Hector Velasquez sa ika-6 na round para sa WBC International (129 libra) na titulo.

Pagkatapos dispatsahin si Morales sa pangalawa sa tatlong seryeng laban, tinalo rin ni Pacquiao si Oscar Larios sa 12 round na bugbugan sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City. (Abangan ang Karugtong)

152

Related posts

Leave a Comment