Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-18 Bahagi) Panalo kay De La Hoya, nagdala kay Pacquiao sa welterweight division

Ni EDDIE ALINEA

EKSAKTONG limang buwan matapos talunin si David Diaz para makamit ang korona ng WBC lightweight, iniwan ni Manny Pacquiao ang 135 ­librang timbang at tumalon sa welterweight o 147 librang dibisyon.

At ang nakaharang sa kanyang daraanan ay walang iba kundi ang tangkang agawin ang maalamat din na Amerikanong may dugong Latino na si Oscar De La Hoya.

Si De La Hoya ay gold medalist noong 1992 Barcelona Olympics at sa walong taong pagiging pro ay nagmayari ng 11 pandaigdig na titulo sa anim na dibisyon, kabilang ang tatlong weight classes.

Sa Barcelona XXV Games of the Olympiad din magugunitang nakuha ng Filipino amateur boxer na si Roel Velasco ang kanyang bronze medal.

Disyembre 6, 2008 itinakda ang sagupaang De La Hoya-Pacquiao na bininyagang “The Dream Match” sa MGM Grand Arena. Kahit kinikilalang hari ng pound-for-pound sa kanyang timbang, lumabas na dehado pa rin ang Pambansang Kamao dahil sa magandang record ng kalaban.

Maraming eksperto sa ­larangan ng sweet science ang nag-akalang ang 147 librang timbang ay napakalayo na para marating ng isang may kaliitang mandirigmang nagsimulang lumaban sa 106 librang klasipikasyon. Katunayan, doblado, 2-1, ang logro pabor kay DLH nang magkasabay na tumuntong sa pari­sukat na lona ang dalawa.

Subalit pinatunayan ng ating si Manny na mali ang sinasabi ng mga dalubhasa sa boksing. Umakyat si DLH sa ring na 20 libra ang kulang kaysa nakatakdang weight limit, dahilan para dominahin siya ng ipinagmamalaki ng Pilipinas.

Matapos ang walong round na suntukan ay inihagis na ng korner ni DLH ang tuwalya para ibigay kay Pacquiao ang tagumpay sa pamamagitan ng TKO.

Lamang si Manny sa lahat ng scorecard nang matapos ang laban. Dalawa sa hurado ang umiskor ng 80-71, samantalang ang pangatlo ay 79-72. Tumama ang 224 mula sa 585 suntok na binitiwan ni Manny. Habang 83 lamang sa 402 na ipinukol ni DLH ang tumama.

“We knew we had him after the first round,” pahayag ni trainer Freddie Roach makaraan ang laban. “He (DLH) had no legs, he was hesitant and he was shot.”

Namamaga ang mukha ni Oscar, duguan ang mata at lamog ang buong katawan nang ihinto ang laban. Matapos ito ay tuluyang ­nagretiro sa boksing si DLH.

Noong Disyembre 22, ng nasabi pa ring taon, iginawad kay Pacquiao ang Philippine Legion of Honor na may ranggong “Officer” sa seremonyang ginanap kasabay ng pagdiriwang sa ika-73 taong pagkakatatag ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Sa kakulangan ng makakalaban, napuwersang bumaba ng timbang si Manny sa light-welterweight o super-lightweight para harapin ang British na si Ricky Hatton, na inihatid niya sa daigdig ng bangungot sa loob lamang ng wala pang anim na minuto. (Abangan ang Karugtong)

98

Related posts

Leave a Comment