Alamat ni Manny Pacquiao (Ika-19 na Bahagi) Pampitong korona, inagaw ni Pacquiao kay Cotto

0

MAKARAANG dispatsahin ang maalamat na Mehikano-Amerikanong si Oscar De La Hoya sa kanyang unang laban bilang welterweight, uminit ang bulong-bulongang di maglalaon at ang Pilipinong si Manny Pacquiao ay tatanghaling kampeon sa 147-librang dibisyon para dagdagan ang anim na koronang napagwagihan niya bago dumating ang Nobyembre 2009.

Nahawakan na noon ng ipinagmamalaking tubong Kibawe, Bukidnon ang mga titulo sa flyweight, super-bantamweight, featherweight, super-featherweight, lightweight at junior-lightweight, at hangad niyang maiuwi rin ang korona sa welterweight.

At noong gabi ng Nobyembre 14, 2009 ay ipinagbunyi ng boxing world ang Pambansang Kamao bilang kauna-unahang nilalang sa ibabaw ng ring na nag­hari sa pitong dibisyon.

Nilupig ni Pacquiao ang ­itinuturing noon na boxing sensation sa Puerto Rico na si Miguel Cotto sa pamamagitan ng TKO matapos pabagsakin ito sa round three at four bago itinigil ng ­reperi, limang segundo na lamang ang nalalabi sa salpukang bininyagang “Firepower” at napanood ng mahigit 18,000 fans na nagsiksikan sa 16,000 upuang MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Bukod sa 147-librang sinturon ng WBC, ginawaran din noon siCongressman Pacquiao ng­ ­titulo ng WBO Super Championship at ng kauna-unahang ­espesyal na WBC Diamond Belt na nilikha eksklusibo sa ­magwawagi sa makasaysayang sagupaan ng dalawang elitistang mandirigma ng kanilang panahon.

Ilang araw matapos makabalik sa bansa si Manny, ginawaran siya ng Order of Sikatuna With the rank of Datu (Grand Cross) With Gold Distinction na tanging iginagawad sa mga dayuhang diplomatiko at Punong Tagapagpaganap ng isang estado.

Si noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nagkaloob sa kanya ng pinakamataas na karangalan sa isang simpleng seremonyang ginanap sa Quirino Grandstand sa Luneta bilang pagkilala sa makasaysayang pagkakamit ni Pacquiao ng pitong kampeonato sa pitong dibisyon.

“Pacquiao is the greatest boxer I’ve ever seen and I’ve seen them all, including (Muhammad) Ali, (Marvin) Hagler and Sugar Ray Leonard,” deklara ni Bob Arum, promoter ni Pacquiao, pagkaraan ng kapanapanabik na sagupaang nakalikom ng 1.25 million buys at $70M in domestic pay-per-view revenue, para ­maging most watched boxing event of 2009.

Tinatayang kumita si Pacquiao ng $22M sa laban habang $12M si Cotto. Ang paghaharap ng dalawa ay nakalikom ng $8,847, 550 sa takilya base sa opisyal na bilang ng mga nanood na 15,940.

Naging dahilan ang pagsupil ni Pacquiao kay Cotto para manariwa ang usapang ­pagharapin siya, ang numero uno sa listahan ng pound-for-pound, at wala pang talong Amerikano at ­pumapangalawang si Floyd Mayweather Jr.

Subalit naging masalimuot at madawag ang daan tungo sa pagtutuos ng dalawang pinakamagagaling na welterweight sa daigdig. Tumagal ng halos limang taon ang negosasyon at ­napakaraming indibidwal ang nasangkot sa usapan.

Ang resulta, sa halip na ang hambog na si “Money Man” ang makasagupa ni Manny sa kanyang unang depensa sa 147 librang korona, ang Aprikanong dating hari ng dibisyon ang nakalaban ng ating si Manny.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment