Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-22 Bahagi) Pangalawang usapan sa paghaharap nina Pacquiao at Mayweather, bigo muli

Ni EDDIE ALINEA

SA bisa ng pag-agaw ng korona ng WBO welterweight noong 2009 kay Miguel Cotto ng Puerto Rico at matagumpay na pagtatanggol laban kay Joshua Clottrey ng Ghana, pinangalanan ang idolo ng bayan na si Manny Pacquiao ng Boxing Writers Association of America ng “Fighter of the Decade” 2000-2010.

Nauna nang ginawaran ang Pambansang Kamao ng prestihiyosong ‘Sugar Ray Robinson Fighter of the Year’ noong 2006 at 2008.

Ang dakilang heavyweight sa daigdig na si ‘Smokin’ Joe Frazier ang nag-abot kay Manny ng tropeo sa isang seremonyang ginanap sa Roosevelt Hotel sa New York noong ika-4 ng Hunyo 2010.

Muli namang nabuhay ang usapan tungkol sa paghaharap ng Pilipinong kampeon at walang talong Amerikano na si Floyd Mayweather Jr. matapos ipahayag ni Bob Arum, promoter ni Pacquiao, na siya ay pumirma na ng kasunduan noong Mayo 13 para sa laban ng dalawa sa Nobyembre 13.

Pero gaya ng unang usapan, ang ‘di pagkakasundo ng dalawang kampo sa sistema ng drug testing na gagamitin ang naging balakid sa pagkakatuloy ng tinaguriang “Super Fight.”

Makalipas ang walong araw (Hunyo 12, 2010) sa panayam sa Spanish Network, si Oscar De La Hoya, pangulo ng Golden Boy Promotions, ay nagdeklara na malapit nang maisakatuparan ang laban nina Manny at ‘Money Man.’ Katunayan, anang CEO ng Top Rank, nagkasundo na rin ang dalawang kampo sa $40 milyong premyong kanilang paghahatian.

“Kasinungalingan,” bintang naman ni Leonard Ellerbe, isa sa mga pinakamalapit na tagapayo ni Mayweather, na nagsabing wala namang negosasyong nangyayari.

Noong Hulyo 26, 2010, nakihalo si Ross Greenburg sa debate at ipinagtapat na wala pang positibong napagkakasunduan, taliwas sa sinasabi nina Arum at De La Hoya.

Matapos ang 60 araw, ang pangalawang usapan ay idineklarang kanselado na. Sa pag-amin ni Mayweather sa Associated Press, wala siyang interes na madaliin ang susunod niyang laban.

Sa gitna ng ‘hilahan sa lubid’ sa pagitan ng dalawang nag-aalitang kampo, nagpahayag si Arum na naitakda na niya ang sunod na laban ni Pacquiao kay Antonio Margarito sa Nobyembre 13, 2010 para sa bakanteng titulo ng WBC light-middleweight o super-welterweight.

At kung magwawagi si Pacman, siya ang tatanghaling kaisa-isang nilalang sa kasaysayan ng boksing na maghahari sa walong dibisyon. (Abangan ang karugtong)

72

Related posts

Leave a Comment