ANG HINA NG OPOSISYON

SA susunod na taon ay campaign mode na sa Pinas para palitan ang kasalukuyang administra­syon sa Mayo 2022 pero mukhang walang pag-asa ang oposisyon na makabalik sa kapangyarihan.

Inoobserbahan ko ang oposisyon lalo na ang Liberal Party (LP) mula nang maagaw sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Malacanang at mukhang hindi nila ginagampanan ang kanilang ­pagiging oposisyon.

Habang papalapit ang eleksyon, hindi ko sila nakikitaan ng lakas kumpara sa mga oposisyon sa mga nakaraang mga panahon na talagang kapag sinabing puti, puti at kapag sinabing itim, itim yun.

Parang lalo silang humihina at wala sila matatag at malakas na lider kaya hindi na ako magtataka kung madedehado sila sa darating na eleksyon kahit tumakbo pa si Vice President Leni Robredo.

Sa social media, pare-parehong tao lang ang supporters ng oposisyon. Hindi sila nadadagdagan kahit maraming unpresidential words na binibitawan si Pangulong Rodrigo Duterte. Kaya malakas ang loob ni Duterte na gawin yan kasi alam niyang mahina ang oposisyon at ang tanging maingay lang ay ang mga militante.

Ang hina nila sa social media. Wala silang ginawa kundi sagutin ang mga atake sa kanila ng mga trolls. Kung baga, puro lang sila salag sa suntok at ayaw manuntok kaya talo sila.

Hindi sila ramdam ng mga tao sa ibaba kaya may mga nagtatanong kung mayroon ba talagang oposisyon sa ating bansa ngayon? Bakit hinahayaan nila ang mga ­bunganga ng pangulo.

Hindi nagsasalita ang mga pulitiko na nabibilang sa oposisyon at sa halip ay sumama pa sila sa administration coalition kaya lalong hindi nila nagagampanan ang kanilang ­pagiging oposisyon.

Tulad na lamang dyan sa Kamara. Sumama sa koalisyon ng administrasyon ang LP Congressmen. Iilan lang sa kanila ang nasa opposition bloc at ingat na ingat pa sa kanilang mga kilos.

Papaano mo magagampanan ang pagiging oposisyon mo kung nasa hawla ka ng administrasyon, hindi ba? Saka lang nila sasabihin na “oposisyon kami” kapag panahon ng eleksyon pero sa buong buhay nila nakasuso sila sa ­administrasyon.

Kaya para sa akin, walang pag-asa ang oposisyon sa susunod na eleksyon. Wala silang lider at nanahimik na ang kanilang dating lider na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Kung mayroon man may pag-asa na susunod na pangulo ng Pilipinas ay hindi manggagaling sa oposisyon. Manggagaling yan sa ‘neutral ground”. Hindi oposisyon at hindi rin taga-administrasyon.

Kaya noong 2019 elections, hindi na ako nagtaka na inilampaso ng mga kandidato ng ­administrasyon ang mga kandidato ng oposisyon. Mas marami ang naipanalong upuan ng administrasyon kumpara sa LP.

Pero mas marami ang nanalo na nasa “neutral ground” at ganyan din ang mangyayari sa 2022 lalo na sa presidential elections kung ang mga tao ay maghahanap ng pagbabago.

Balita ko nga, ang mga ­malalaking negosyante ay naghahanap ng kandidato na hindi taga ­oposisyon at lalong hindi taga-administrasyon. Yung kayang pag-isahin ang mga tao. Marami raw silang target at magkakaalaman na kung sino iyon pagdating ng Oktubre 2021.

94

Related posts

Leave a Comment