ANGKAN NI ERAP NADAMAY SA PAGLAHO NG KANYANG KINANG SA MASA

PRO HAC VICE

Marahil maituturing nang tapos na ang bango ng mga Estrada sa masa at gayundin sa larangan ng politika.

Patunay dito ang pagkakalaglag ng mga angkan ni Mayor Erap Estrada sa kanilang tinakbuhang posisyon dahil ni isa man lang sa kanila ay hindi pinalad sa kanilang tinakbuhang larangan.

Ang magkapatid na JV at Jinggoy Estrada ay sawi sa kanilang kandidatura sa pagkasenador at maging ang anak ni Jinggoy na si Janella Estrada ay tinalo ng katunggali nitong si Francis Zamora sa pagkamayor ng San Juan at ang pinakamasakit ay ang tinaguriang hari ng masa na si Mayor Erap Estrada ay nilampaso ni Isko Moreno sa Maynila.

Sana sa pag-upo ni Isko Moreno sa Maynila ay matupad ang mga ipinangako nito na lilinisin ang Maynila sa lahat ng mga ilegal.

Una rito ay ang mga ile­gal terminal, vendors, settlers, tri-bikes, tricycles, lalo na sa ilegal na droga at iba pa.

Mayor Isko, ibalik mo ang dangal ng Maynila na hindi nagawa ni Erap, dahil kung hindi mo ito magagawa baka matulad ka kay Erap.

Panawagan na rin sa lahat ng mga pinalad ngayong halalan na tuparin n’yo naman ang pangako ninyo!

Na anumang oras ay maaari kayong lapitan ng a­ting mga kababayan at sana hindi kayo mahirap hanapin ng inyong nasasakupan sa oras ng kanilang mga pangangailangan.

Binabati ko ang pamunuan ng pulisya at iba pang mga awtoridad kabilang na ang mga guro sa kanilang mahinahon at matiyagang pagbabantay upang umiral o mapanatili ang kapayapaan at katiwasayan ng nakaraang halalan! (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment