ANGKAS MAKABIYAHE PA KAYA SA 2020?

PUNA

Nakasalalay na sa gob­yerno ang kapalaran ng 27,000 Angkas riders kung makabibiyahe pa sila o hindi, pagpasok ng 2020.

Ang nasabing motorcycle taxi ay binigyan ng ‘six-month pilot operations’ ng Department of Transportation (DOTr) para patunayan nilang ligtas sila bilang public transportation.

Nagsimulang mag-operate ang Angkas noong nakaraang Hunyo at magtatapos ito sa Disyembre.

Ibig sabihin, pwedeng magpatuloy at pwede ring hindi.

Noong unang bumiyahe ang Angkas ay pinaghuhuli ang mga ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at DOTr dahil ilegal umano ang operasyon nito.

Dahil dito, ang ANGKAS ay naghain ng Temporary Restraining Order para pigilin ang operasyon ng LTFRB at DOTr laban sa kanila.

Kaya kalaunan ay pinagbigyan sila ng pahintulot na muling makabiyahe.

May kondisyon nga lang ang gobyerno sa kanila na bukod sa kaligtasan ng kanilang pasahero, kailangan ding may special reflectorized vest sila, helmet ang driver at pasahero nito.

Kailangan ding maging maingat ang driver nito sa lahat ng panahon. Hindi pwede rito ang ‘hataw’, ‘yung mahilig sumingit na madalas pinagmumulan ng aksidente sa kalye.

Ang operasyon ng Ang­kas ay nasa ilalim ng DBDOYC Inc. sa pamumuno ni George Royeca, Angkas chief Transport Advocate.

Ayon sa tala ng pamunuan ng Angkas, umaabot sa 5.8 milyong katao ang tumatangkilik sa kanila nang magsimula ang kanilang operasyon noong Setyembre 2018.

Nakapagtala lamang sila ng 0.003 porsyento ng minor injuries na tulad ng gasgas at galos lamang.

Wala pa rin daw naitalang namatay, na-coma o malalang aksidente na kinasasangkutan ng Angkas riders.

Sabi pa nga ni Sir George, mas ligtas pa raw sa condom ang pagsakay sa Angkas. Ganu’n?

“Sa ngayon po, baka ‘pag tuluyan na po silang payagan ng gobyerno ay umaabuso na po sila,” anang may phobia sa single motorcycle.

Kamakailan, isang driver ng Angkas ang inaresto ng mga pulis matapos mahulihan ng mahigit 20 sachet ng shabu sa Cubao, Quezon City.

Ang Angkas driver ay nakilalang sa alyas Dino na sinabi niya na nagsakay siya ng babae at nagulat siya na pagbaba ng pasahero ay may nakita siyang sachet ng shabu sa helmet na ginamit nito.

Ayon naman kay Police Captain Ramon Aquiatan, hepe ng Cubao Police Station, ang babaeng suspek ay una nang sumuko sa pulisya, habang ang lalaki naman ay kalalaya pa lamang noong 2018.

Dapat po ang nagpapatakbo ng operasyon ng Angkas ay maging mahigpit sa pagtanggap ng kanilang mga driver.

Ang pahinang ito ay bukas po para sa pamunuan ng Angkas para sa kanilang reaksyon.

oOo

Para suhestyon at reaksyon, maaari po kayong mag-email sa joel2amongo@yahoo / operarionj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)

63

Related posts

Leave a Comment