ANTI-DRUG CZAR

SIDEBAR
0

Si dating Pangulong Joseph Estrada ang bukod-tanging naging “Anti-Crime Czar” nang likhain ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Presidential Anti-Crime Commission (PACC) at ginawang chairman nito ang kanyang bise presidente noon na si Estrada.

Hindi siguro magiging pangulo ng bansa si Estrada kung hindi niya nagampanan nang mahusay ang kanyang pagiging anti-crime czar sa pamamagitan ng PACC at task forces nito na siyang responsable sa mga accomplishment ng komisyon.

Inakala ng political advisers noon ni FVR na papalpak si Erap sa kanyang trabaho bilang PACC chairman at epektibong “anti-crime czar” sa gitna ng dumaraming insidente ng kidnap-for-ransom at bank robberies.

Pero dahil narekrut ni Erap sa PACC ang noo’y Police Senior Supt. Panfilo “Ping” Lacson na ginawa niyang commander ng Task Force Habagat, sumikat ang PACC at si VP Erap dahil sa dami ng accomplishments ng TF Habagat sa anti-kidnapping kung saan maraming kidnap victims ang ligtas na nare-rescue.

Nalansag din ng TF Habagat ang Red Scorpion Group na pinakamalaking kidnap syndicate noong panahong iyon at lalong sumikat ang PACC at si Erap nang mapatay ng mga tauhan ni Lacson ang pinuno ng RSG na si Alfredo “Joey” De Leon na dating miyembro ng Alex Boncayao Brigade.

Nabalikan ko ang PACC ni Erap dahil inaalok nga­yon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo na ma­ging anti-drug czar matapos siyang makapanayam ng Reuters kung saan niya binatikos ang umiiral na drug war sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nilinaw pa ni VP Rob­redo na hindi niya pinatitigil ang drug war bagama’t sinasabi niyang kailangan nito ng “reassessment” partikular sa pagtingin sa drug addiction bilang health issue.

Kahit magkakontra-partido sina VP Robredo at Pangulong Duterte, bilang bise presidente ay dapat handang palagi si Rob­redo na maging pangulo at sakaling bigyan siya ng tungkulin bilang pangalawang pangulo, dapat lang na tanggapin niya ito.

Sa ayaw niya man o sa gusto, nananatiling bahagi ng gobyerno ang Office of the Vice President at kung marunong bumatikos si bise presidente sa mga polisiya ng presidente ng bansa, dapat ay may mga mungkahi rin siyang solusyon sa mga nakikita niyang problema.

Ang ibig sabihin lang nito ay kung mahilig si VP Robredo sa “expose and oppose” dapat ay marunong din siyang mag-propose ng mga solusyon at kung sa tingin niya ay mas may magagawa siyang kabutihan sa anti-drug war, dapat ay handa siyang tumanggap ng hamon na maging anti-drug czar gaya ng iminumungkahi ni Pangulong Duterte.

Pero kung magkakaroon ng kahit isang mala­king accomplishment si VP Robredo bilang anti-drug czar, publiko na mismo ang hihiling na gawin siyang permanente sa tungkulin at katulad ni Erap ay baka ito ang maging daan sa kanyang pagiging pangulo ng bansa sa 2022. Ano kaya? (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment