ANTI-TERROR BILl, BAKIT KINATATAKUTAN?

DPA

PINAKAKONTROBERSYAL na sa lahat ng panukalang batas na ipinasa ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang Anti-Terror Bill dahil halos lahat na ng sektor ang natatakot dito.

Unang ipinasa ang panukala sa Senado noong Pebrero 2020 pero hindi napagtuunan ng pansin ng publiko dahil sa panahong iyon ay nagsimula nang manalasa ang coronavirus disease 2019 sa ating bansa at sa ibang panig ng mundo.

Ngayon lamang napansin ito ng mga tao dahil in-adopt na lamang ng Senado ang buong-buong bersyon ng Senado dahil wala nang panahon ang mga kongresista, marahil na magpasa ng hiwalay na bersyon.

Lalong naging interesado ang lahat nang malaman kung ano ba ang nilalaman ng panukalang ito nang sertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang panukala, ibig sabihin, hindi na dadaan sa regular na proseso ang batas pagkatapos ipasa sa second reading at kailangang maghintay ng tatlong araw bago ipasa sa ikatlo at huling pagbasa at hindi na ito dadaan pa sa bicameral conference committee.

Pero bakit ba maraming natatakot sa panukalang ito eh ang layon nito ay magsugpo ang terorismo sa a ting bansa? Marami nang nag-iingay. Kahit ang mga celebrities ay pumapalag na sa panukalang ito. Okay lang sana kung totoong terorista ang target pero nakataya na raw kasi dito ang kalayaan ng mamamayan.

Hindi ko sila masisisi dahil kabilang sa probisyon ng panukalang ito ang warrantless arrest. Ibig sabihin, hindi na kailangang kumuha ng arrest warrant ang mga awtoridad sa korte para arestuhin ang isang taong pinagsusus petsahan nilang terorista.

Maaari ring ikulong sa loob ng 14 na araw ang mga aarestuhin dahil sa hinala lamang at pwede ito kahit walang maisampang kaso laban sa kanila na taliwas sa kasalukuyang batas na kailangang pakawalan ang isang inarestong tao kung walang maisampang kaso sa loob ng 3 araw. Nakasaad iyan sa Section 29 ng panukala.

Kapag nakulong ka na kahit walang kaso, hindi ka maaaring dalawin para kumustahin ng anumang grupo o organisasyon, lokal man o internasyunal maliban lang sa mismong pamilya, abogado at piniling doktor.

Tinatanggal din ng panukalang ito ang probisyon sa ibang batas na kailangang bayaran ng P500,000 ang mga taong inaresto at ikinulong kahit wala silang kasalanan.

Wala nang pananagutan ang law enforcers kaya maaari na silang mang-aresto nang mang-aresto at sasabihin lang nila na isa kang terorista kaya nila inaaresto at ang masama nito, kapag ikaw ay sumali sa welga o rally na naging dahilan nang pakalumpo ng transportasyon, ituturing ka ng isang terorista.

Nakasaad sa Section 9 na: Any person who, without taking any direct part in the commission of terrorism, shall incite others to the execution of any of the acts in Section 4. Hereof by means of speeches, proclamation, writing, emblems, banner o other representations tending to the same end, shall suffer the penalty of imprisonment of twelve (12) years.

Ang basa ng mambabatas na kontra sa panukalang ito ay bawal magsalita at magbigay na sariling kuro-kuro o opinyon sa mga bagay o isyung nakakasira sa imahe ng gobyerno.

Kahit ang 30 days surveillance ay dinoble at ginawang 60 days na sapat na panahon na para kalkalin ang inyong pagkatao, bank transactions at iba pang bagay para iugnay ka sa terrorism act.

Kung wala raw sanang ‘bad record” ang mga pulis at militar sa pang-aabuso, okay daw sana ito.

Ilan lang yan sa kinatatakutang probisyon sa anti-terror bill kaya hindi ko masisisi na mag-ingay ang mga tao dahil nakasalalay na rito ang kalayaan sa pagpapahayag at ‘privacy’. Kayo na ang humusga kung tama o hindi ang batas na ito sa isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas.

Related posts

Leave a Comment