BAKIT DI PINAKANTA ANG 5 “PASTILLAS” BOYS?

PUNA

HINDI lang dapat matapos sa pagsibak sa limang (5) tauhan ng Bureau of Immigration na nasangkot sa “Pastillas” scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Dapat ay nag utos ng malalimang imbestigasyon si BI Commissioner Jaime Morente sabay pakanta sa mga sangkot kung sinu- sino pa ang kanilang kakutsaba.

Impossible kasing walang nga utos sa kanila dahil hindi naman lalakas ang loob ng mga sangkot kung wala sila ng ipinagmamalaking padrino.

Sino nga ba ang talagang nakikinabang sa P10,000 lagay bawat ulo ng mga dayuhan? Sa dami nang nakapasok eh di ibig sabihin ay maraming P10-k  ang pumasok sa bulsa ng mga kulokoy na ito.

Bakit nga ba agad-agad na sinibak ni Morente ang 5 bantay salakay? Balita ng PUNA kasama sa ipinasibak ni Morente ay ang terminal head ng NAIA at  travel control and enforcement unit chief habang nakabinbin ang imbestigasyon sa usapin.

Kaya lang hindi kuntento ang mga tsismosa kong kapitbahay dahil gusto nila kumanta ang lima at ituro nila kung sino ang mga opisyal na nasa likod ng kalokohan.

Hindi sila naniniwala na ang lima lang ang nakikinabang sa kanilang modus, may hinala sila na may opisyal ng BI na nakikinabang dito.

Hindi na tayo magtataka kung bakit biglang du­mami ang Chinese sa bansa kasi nga madali sila makapasok dahil sa “pastillas” na kanilang pasalubong sa mga taga-BI.

Tama po ang desisyon ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na mag-iimbestiga siya sa ginawa ng limang taga-BI nang mapiga kung sino ang kanilang ka­sabwat.
Dapat i-life style check ang mga ito para malaman ng taumbayan kung saan nila dinala ang kanilang kinikita sa raket.

Hindi lang dapat iyong lima ang ipa-life style check kundi ang iba pang em­pleyado at opisyal ng Immigration na nagkakamal ng pera.

Kung sa nakakaraming mamamayan ay perwisyo ang pagdagsa ng mga Chinese sa Pinas dahil naging kaagaw pa sila  ng mga manggagawang Pinoy sa trabaho ay kabaligtaran ito sa BI men dahil grasya naman ito sa kanila.

Pinagkakitaan ng BI employees ang mga Tsekwa na pumapasok sa bansa.

Ang ganitong mga klaseng empleyado o opisyal ng gobyerno ang sumisira sa sariling nilang opisina.
Wala sa kanila ang tinatawag ng pagiging “public servant”, sa halip ay ginamit pa nila ang kanilang mga pwesto para pagkaperahan.

Sabi pa ng isang tsismosang kapitbahay ko, marami raw sa mga taga-BI ang nagkakamal ng pera dahil sa mga katulad na kalakaran sa “Pastillas”.

Kung talagang gustong linisin ni Morente ang mga tiwali sa kanyang bakuran, dapat ay mas lalo siyang maghigpit.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0919-259-59-07.

 

91

Related posts

Leave a Comment