BAKIT NAGDIDIKTA ANG CHINA?

SA isang budget hearing sa Senado may nabanggit na tutol daw ang China na rebyuhin at amyendahan ang 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at United States (US).

Hindi lang ‘yan, noong bumili ang Pilipinas ng 12 fighter jet sa South Korea, nagalit ang China at tinangkang harangin ang procurement na ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kanilang modernisasyon kaya mukhang nakikialam sila sa ating bansa.

Nagtataka lang ako, anong karapatan ng China na panghimasukan ang internal affairs ng Pilipinas at hindi pinapalagan ng mga lider ng bansa? Magagalit dyan si Andres Bonifacio eh…. kung buhay lang siya.

Dapat ituloy ang ­pagrebyu sa MDT para patatagin pa ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika dahil baka hindi na angkop sa panahong ito ang military agreement na ito ng dalawang bansa.

Hindi porke tutol ang China na i-update ang kasunduang ito ng dalawang bansa ay hindi na natin itutuloy dahil wala silang karapatan na manghimasok sa ano mang desisyon ng mga Pilipino.

Aminin na natin, kai­langan natin ang Amerika dahil wala tayong kakayahan na idepensa ang ating bansa sa mga makabagong mananakop tulad ng China lalo na’t medyo matagal pa bago lumakas ang ating Sandatahang Lakas.

Kung mawawala ang Amerika, lalong mawawala sa atin ang ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). Ngayon pa nga lang eh inangkin na nila at ninanakawan ang mga Pilipino eh, paano na lang kung wala na ang Amerika?

Kaya marahil ayaw nilang iparebyu at maamyendahan ang MDT dahil baka lalo silang mahirapan na makuha ng tuluyan ang WPS na ­mayaman sa likas na yaman tulad ng langis at gas.

Sangkaterba rin ang yamang dagat sa WPS na sila lang ang nakikinabang dahil sa ipinapadala nilang daan-daang fishing vessel para mangisda nang ilegal sa loob ng ating teritoryo.

Hindi biro ang populasyon ng China kaya nang-aagaw sila ng teritoryo para sa kanilang pagkain at malas lang natin, ang teritoryo natin ang kanilang inaagaw pero kapag napatatag pa ang relasyon ng Pilipinas at Amerika, magkakaroon ng kakulangan ng supply ng isda sa kanilang bansa.

Kailangang matuloy ang MDT review, tumutol man o hindi ang China dahil karapatan natin ito at ano ang karapatan nila na manghimasok sa ating internal affairs? Wala, maliban kung may pinasok na kasunduan ang gobyerno na hindi sinasabi sa ating lahat.

73

Related posts

Leave a Comment