BALIK PROBINSYA, MALABO PA SA TAGUMPAY

DPA

TALAGANG bumalik sa probinsya ang mga nasa Metro Manila na apektado ng coronavirus disease 2019 pandemic lalo na ang nawalan ng hanap-buhay at nangungupahan lang sa lungsod.
Sa katunayan, bago nag-lockdown ang gobyerno noong Marso 12, marami ang nag-uwian sa kani-kanilang probinsya lalo na noong malaman nilang magsasara din ang mga negosyo sa Metro Manila.

Ang iba namang manggagawa, pinauwi ang kanilang pamilya sa kanilang probinsya bago mag-lockdown pero hindi na sila nakauwi dahil wala nang masakyan at bawal nang pumasok sa kanilang probinsya ang mga galing sa Metro Manila.

Maraming natakot, hindi sa COVID-19 kundi sa lockdown dahil mawawalan sila ng hanapbuhay kaya bago nagsara ang Metro Manila, dinagsa nila ang bus companies.

Hanggang ngayon, nasa probinsya pa rin ang mga nag-uwian bago mag-lockdown at napaganda pa ang kanilang desisyon dahil kung hindi ay magugutom lang sila sa Metro Manila.

Pero pagkatapos ng COVID-19 na hindi lang natin alam kung kailan mangyayari, siguradong babalik sa Metro Manila ang mga nagsiuwian sa kani-kanilang probinsya para muling makipagsapalaran.

Hindi ko masisisi ang mga taga-probinsya na subukan ang kanilang kapalaran sa Metro Manila o sa mga mauulan na lungsod dahil wala silang oportunidad sa kanilang probinsya.

Ang bagal ng asenso sa mga probinsya dahil ang ating gobyerno ay nakatuon pa sa Imperial Manila. Dito lang ibinubuhos ng husto ang mga imprastraktura habang napapabayaan ang mga lalawigan.

Kaya kung talagang seryoso ang gobyerno sa kanilang Balik Probinsya Program, buhusan muna ng pondo ang mga probinsya na magbibigay oportunidad sa mga taga-probinsya, lahat ng mga gustong magnegosyo sa bansa, ikalat sila sa iba’t ibang lalawigan at huwag lang silang isiksik sa Metro Manila.

Pero hangga’t hindi pa ito nagagawa, huwag munang iimplementa ang programang ito dahil tiyak na walang mangyayari. Gagastos lang ang pamahalaan sa bagay na walang kasiguraduhan.

Oo, marami ang siguradong kakagat sa Balik Probinsya Program na ito dahil bibigyan sila ng ayuda ng gobyerno na magagamit nila sa pagbabalik probinsya pero kapag naubos na at wala na silang magastos, babalik ulit ang mga iyan sa Metro Manila.

Kailangang masiguro muna na mayroong dadatnang oportunidad ang mga tao sa kanilang probinsya pero kung wala pa, huwag muna silang gagastusan dahil walang mangyayari dyan.

Tandaan natin, maraming kababayan natin ang inalis sa mga squatter area sa Metro Manila at binigyan ng pabahay sa Bulacan, Cavite at iba pang lugar, ay bumalik sa kanilang dating lugar.

Hindi na nga lang sila nagtayo ng kanilang bahay kundi nangupahan lang sila sa dati nilang lugar pero ang suma total ay bumalik pa rin sila kahit ginastusan na sila ng pamahalaan.

Hindi malayong ganyan ang mangyayari sa Balik Probinsya Program kung hindi muna ilalatag ang oportunidad na uuwian ng mga nakatira sa Metro Manila sa kanilang probinsya. Gets nyo?

Related posts

Leave a Comment