BAON SA UTANG

0

KAPAG ang isang pamllya ay baon sa utang, ang kasunod nun ay paghihirap dahil tiyak na iilitin ng bangko na kanilang pinagkakautangan ang kanilang mga ari-arian para sila makabayad kahit konti.

Kaya kinakabahan ako sa pagkakabaon natin sa utang dahil tinatayang aabot sa mahigit P13.7 Trillion ang iiwanang utang ng Duterte administration na sasaluhin ng sinumang mananalong Pangulo sa 2022.

Ngayong taon ay tinatayang aabot sa P11.98 Trillion ang utang ng Pilipinas at magiging P13.7 Trillion sa 2022 kaya kung may 110 Million ang populasyon ng Pilipinas, nangangahulugan na ang bawat isa sa atin ay may utang na P127,000.

Lalo tayong nabaon sa utang dahil sa pandemya sa covid-19 na itinago ng China kaya kumalat sa buong mundo na naging dahilan ngayon nang paghihirap ng mga bansang labis na naaapektuhan kasama na ang Pilipinas.

Hindi pa naipapanganak ang susunod na henerasyon, mayroon na silang babayarang utang mula sa buwis na kanilang binabayaran sa gobyerno kapag sila ay nakapagtrabaho na.

Tiyak na lolobo pa ang mga utang na ito dahil malamang sa hindi ay mangungutang ulit ang susunod na gobyerno para makabangon ang bansa sa pandemyang ito.

Mangangahulugan din ito na sa mga susunod na mga taon at henerasyon, lalong tataas ang buwis na babayaran ng mga Filipino upang makabayad sa mga pagkakautang na ito.

Walang ibang pagkukunan ng pambayad sa utang na ito kundi sa buwis dahil bukod sa principal na utang ay kailangang magbayad ang gobyerno ng interes na maliit lang naman ang porsyento pero dahil trilyon-trilyon ang pinag-uusapang utang ay napakalaki na nito.

At dahil palaki ng palaki ang utang, palaki ng palaki rin ang binabayarang buwis ng mamamayan kaya malaking dusa ito sa mga susunod na henerasyon ng ating lahing kayumanggi.

Ngayon pa lamang ay ramdam na ramdam na natin ang utang na ito dahil napakaraming sistema ng pagbubuwis ang isinusulong sa ­Kongreso na dagdag pabigat sa ­ating mga ordinaryong tax payers.

Unang nadagdagan ang krus na pasan natin sa ating balikat noong ipatupad ang Tax Reform ­Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law noong Enero 1, 2018 na kunwari ay binawasan ang buwis sa ating income tax return (ITR).

Pero ang balik noon ay pagpapataw naman ng mas mataas na buwis sa mga produktong petrolyo at yung mga exempted noon sa Value Added Tax (VAT) ay pinatawag na buwis.

Kasama rin sa mga nagkaroon ng dagdag na buwis ang mga pagkain na yung unang P250,000 na inilibre sa buwis mula sa ating kita taon-taon ay wala ring silbi dahil binabawi sa atin ng higit pa.

Inilibre nga sa buwis ang mga minimum wage earners pero yung nalibre nilang buwis ay hindi naman nila naipon dahil lalong tumaas ang presyo ng pagkain at serbisyo publiko. Naisahan tayo.

Hindi titigil ang mga economic managers ng gobyerno kahit sino pa ang uupo dyan sa Malacanang sa pagpapataw ng mas malaking buwis sa mga susunod na mga tao dahil kailangang sumunod sila sa dikta ng mga nagpautang sa atin.

Hindi tayo kasi pauutangin kung walang katiyakan sa pagkukunan natin ng ating ibabayad sa kanila kaya sa ayaw at sa gusto ng mga economic managers, kailangan nilang magsulong ng mga karagdagang buwis.

 

Related posts

Leave a Comment