BIGAS

ISA sa mga nagpapataas ng inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang kakulangan ng sapat na supply at paglobo ng presyo ng bigas na pangunahing pagkain ng mga Filipino.

Parang hindi kumpleto ang araw ng mga Filipino kapag walang kanin sa kanilang hapag-kainan at kapag kamote lang ang kinakain n’yo, isa ka na sa poorest of the poor sa ating bayan.

Sa ibang bansa, tinapay o pasta lang talo-talo na pero hindi ‘yan puwede sa Pilipinas dahil hindi natin nakasanayan mula sa pagkamulat na hindi kumakain ng kanin kahit sa agahan.

Pero sa tagal na ng panahon, hindi pa natin nasisiguro na kaya nating suplayan ang pangangailangan natin sa bigas dahil hindi sapat ang inaaning palay ng ating mga lokal na magsasaka.

Noong 2020, sinabi ng ­Philippine Statistics Authority (PSA) na umaabot lang sa 19.44 million metric tons ang naaning palay ng mga lokal na magsasaka sa ating bansa bagama’t tumaas ng 3.3 percent kumpara noong 2019, hindi pa rin ito sapat.

Isang dating kongresista ang nagsabi sa atin noong 2020 na ang nakukonsumo ng mga Filipino na bigas taon-taon ay mahigit 21 million metric tons at pataas nang pataas ito dahil palaki nang palaki ang ating populasyon.

So, kung 19 million metric tons lang ang produksyon sa palay at 21 million ang konsumo, 2 million metric tons ang kakulangan at para punuan ito ay kailangang mag-angkat ang Pilipinas ng bigas sa ibang bansa tulad ng Vietnam at Thailand.

Diyan tumitiba ang rice ­importers dahil mas malaki ang kanilang kinikita kapag nag-i-import lang sila kumpara kung sila ang mamimili ng palay sa mga lokal na magsasaka o kaya mamuhunan sa mga bukid.

Ngayon, ang problema ay bumababa ang produksyon ng Vietnam sa bigas dahil nagsi-shift sila sa mga mahal na variety ng bigas at sa ayaw at sa gusto natin, maaapektuhan tayo.

Tiyak na hindi tayo makakapag-angkat ng sapat na bigas sa Vietnam dahil bumaba ang kanilang produksyon sa mga ordinaryong bigas na ine-export nila na siyang ginagamit naman natin bilang NFA rice.

Kung gusto talaga nating magkaroon ng rice sufficiency para huwag na tayong umasa sa mga imported rice, kailangang tulungan ang sektor ng pagsasaka sa ating bansa. Ang tagal-tagal na itong napapabayaan.

Ang mga magsasaka, hindi nakatatanggap nang sapat na tulong sa gobyerno. Saka lang nagbibigay ng ayuda tulad ng binhi ang Department of Agriculture (DA) kapag nagkaroon ng kalamidad o winasak ng bagyo ang pananim ng mga magsasaka (hindi pa lahat) at pagkatapos wala na.

Kanya-kanyang diskarte ang mga magsasaka para lang makapagtanim. Marami ang ­nangungutang para lang makabili ng binhi at abono na kailangan nila. Kung baga, naisangla na nila agad ang kanilang ani kahit wala pang kasiguraduhan na magkakaani nang sapat.

Pamahal nang pamahal din ang mga binhi at abono pero walang ginagawa ang national government para kontrolin ito kaya nakakaawa ang mga magsasaka. Sila ang tinaguriang nagpapakain sa atin pero karamihan sa kanila parang isang kahig isang tuka.

Walang tulong ang ­gobyerno para mapalaki ang kanilang produksyon at hindi masira ang kanilang mga ani kapag panahon ng kalamidad at kapag nag-ani naman ay binabarat ng rice ­traders ang kanilang palay lalo na’t ibinebenta nila ito na hindi pa nabibilad dahil wala namang naitatayo ang gobyerno na pasilidad para mapatuyo ang kanilang ani para maibenta sana ito ng mas mahal.

Marami na ring sakahan at ginawang subdivision at commercial center at hindi ito inaawat ng gobyerno. Marami ring mga sakahan ang pinagtatayuan ng bahay ng mga anak ng mga magsasaka dahil parami nang parami ang mga tao.

Huwag sanang dumating ang araw na aasa lang tayo sa mga imported rice para tayo makakain. Huwag naman. Sana magising na ang gobyerno!

114

Related posts

Leave a Comment