BOYCOTT PHILHEALTH?

0
AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

HINDI na kataka-taka kung sakaling mapagka-isahan ng overseas Filipino workers (OFWs) ang pagdedeklara ng boycott sa pagbabayad ng PhilHealth contribution.

Ito ay matapos na maibunyag sa Senado ang sandamakmak na korapsyon at pag-aaksaya ng pondo ng mga opisyal nito at ang pondo pala ng Philhealth ay paubos na sa taong 2021.

Hindi lamang daang libo ang halaga ng pinag-uusapan, kundi bilyon-bilyong piso na kontribusyon ng mga miyembro. Sa tantiya ng Commission on Audit (COA) ay umaabot sa 20 porsiyento ang overpayment at 10 porsiyento sa pandaraya. Kung susumahin ay umaabot ito sa halagang 153.7 bilyong piso ang sinasabing napunta sa overpayment o fraud.

Ilan sa mga kinukwestiyon na transaksiyon ay ang PhilHealth overprice Information and communication Technology (ICT) equipment na kinabibilangan ng mga computers na dapat gamitin para sa pagsugpo ng pandaraya o fraud at scams. Pero lumalabas na ito mismong mga kagamitan na ito ay siya mismong dahilan ng pandaraya.

Lumalabas kasi sa imbestigasyon ng COA na 12,400 percent ang idinagdag sa orihinal na presyo nito na dapat ay 168,000 lamang kada computer pero ipinalabas na ito ay nagkakahalaga ng 21 milyon piso kada isa.

Bukod pa rito ay lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na tila binabago ng mga opisyales ng PhilHealth ang kanilang Financial Statement at gayun din ang walang habas na pagbibigay ng advance payment sa mga pinapaboran na mga dialysis centers at Maternity Care hospitals o clinic.

Malaki ang epekto ng usaping ito para sa mga OFW dahil kamakailan nga ay nag- anunsiyo ang PhilHealth ng pagtataas ng singil ng PhilHealth premium sa mga OFW. Aabot nga sa 5 porsiyento ang itataas ng dapat bayaran ng mga OFW na katumbas ng halos 50,000 piso kada taon para sa mga skilled workers.

Ngunit ang mas lubhang ikinagagalit ng mga OFW ay ang kanilang natuklasan mula mismo sa pagbubunyag ng dating hepe ng Anti-Fraud division na si Atty Thorrson Keith. Sinabi nya sa Senado na “Naniniwala ako na ang balak ng mafia ng PhilHealth na ang pagkukunan ng ipantatapal ng nawaldas nilang pera ay sa mga OFWs,”.

Nakakagalit at talagang napamura ako sa estilong ito ng PhilHealth. Kung kaya hindi ko masisi ang mga OFW na i-boycott ang pagbabayad ng PhilHealth premium, dahil ang perang ibabayad ng mga OFW ay literal na nanga galing mula sa kanilang dugo at pawis. Kung kaya hindi madaling tanggapin ng mga OFW na ang perang kanilang pinaghirapan ay uubusin lamang ng mga opisyales ng PhilHealth sa mga ma-anomalyang transaksyon.

Marahil manunumbalik lamang ang pagtitiwala hindi lamang ng mga OFW kundi pati na rin ang mga mamayang Pilipino kung gagawing seryoso ng gobyerno ang paglilinis ng PhilHealth.

Kailangan maipakita na tuluyan ng sipain sa kanilang mga tungkulin ang mga opisyal na matagal na palang nasasangkot sa mga anomalya.

Sumasangayon din ako sa sinabi ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, na para matigil ang ganitong uri ng pagsasamantala ng mga tauhan ng gobyerno at lalo na ng PhilHealth, ay hindi dapat na

matanggal lamang ang mga opisyal, kundi dapat na may makulong sa mga opisyal na ito.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.como drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

Related posts

Leave a Comment