CATHOLIC SCHOOLS DAPAT MAG-SHARE

FOR THE FLAG

Nasa higit 24 milyon ang mga estudyante sa bansa na ang mga edad ay nasa lebel ng basic education. Ngunit marami sa kanila ay mga dropout habang higit isang milyon naman ay mga estudyanteng nag-aaral sa mga paaralan na walang kuryente.

Nasa halos 6,000 mga paaralan ang mga walang kuryente. Kung makikipagtulungan lamang ang Catholic Schools sa bansa na wala namang binabayarang tax sa mga nagtataasang tuition nila, kahit mga 2,000 mga pampublikong paaralan ay kaya nilang ampunin at sagutin ang kuryente ng mga ito. Ito naman ay mungkahi ko sa ispiritu ng Kristiyanismo. Ang daming dambuhalang mga kolehiyo at unibersidad na walang binabayarang tax dahil sa pinatatakbo sila ng relihiyon, maano ba namang bahaginan naman ng grasya ang mga naghihikahos na mga paaralan ng Department of Education.

Sa totoo lang, wala nang mapaglagyang proyekto ang mga eskwelahang maya­yamang iyan sa rami ng pondo, bukod pa ito sa mga matagumpay na mga alumni nila na nagpipilit na mag-donate sa kani-kanilang pinanggalingang paaralan.

Ako naman ay naki­nabang kahit papaano sa scholarship na ibinibigay ng mga Catholic school noong ako ay mag-masters sa De La Salle University, ngunit mukhang mas marami pa silang kayang gawin upang makatulong sa nation-­building dahil napakarami nilang salapi.

May mga organisasyon ang mga matatayog na mga unibersidad at kolehiyo sa bansa, siguro napapanahong isama na nila sa kanilang annual conference ang agenda ng pagbibigay naman, tutal iyan naman ang esensya kung bakit sila nangatatag noon hanggang ngayon.

Hindi ba mas ikatutuwa ito ng Panginoon, kaysa ipamudmod ang mga pondo nila at ang kagalantehan ng kanilang mga alumni sa pagbuo ng malalalakas na basketball team? Mga kamasa, hindi ba mas makatwiran ito? Kasama sila ng lipunan, at obligasyon naman nilang ipamahagi ang mga benepisyong natatamo nila dahil na rin sa estado na minabu­ting huwag silang pagbayarin ng tax.

Naranasan ko ‘yang mag-aral sa ilalim ng bututoy o gasera, sa hirap ng aming pamilya noong panahon ng Martial Law. Elementary hanggang second year high school kaming magkakapatid ay sa ilalim ng bututoy gumagawa ng aming mga school assignment.

Sana makipagtulungan sa DepEd ang mga pribadong mga paaralan na sandamakmak ang kayamanan dahil na rin sa tax exemption na tinatamasa nila. Pagtulungan po sana ng mga mas nakararangyang pribadong institusyon at negosyo ang suliranin na ito ng ating mga guro at mag-aaral. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

73

Related posts

Leave a Comment