CURFEW VIOLATOR SA PARUSA NAMATAY, HINDI SA COVID?

0

UNA po sa lahat, nakikiramay ang PUNA sa pagkamatay ng isang lalaking nahuli ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa curfew sa Gen. Trias, Cavite ilang araw na ang nakalipas.

Nakita natin sa post ng isang nagngangalang Adrian Lucena sa kanyang Facebook account na may namatay na lalaki dahil sa parusa sa kanya matapos mahuli sa paglabag sa curfew ng mga pulis sa nabanggit na lugar.

Simula kasi nang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay muling ini-lockdown ang tinatawag na National Capital Region (NCR) bubble plus kasama ang Cavite, Laguna Rizal at lalawigan ng Bulacan.

Kaakibat nito ang curfew na nagsisimula ng alas-6 ng hapon hanggang alas-5 ng umaga.

Noon daw gabi ng Abril a- 4 ay lumabas ng bahay itong si Darren Manaog para bumili ng tubig.

Natiyempuhan siya ng mga barangay at mga pulis sa kaniyang paglabas kaya hinuli siya at dinala sa isang plaza sa lugar.

Sama-samang dinala sa plaza ang mga nahuli ng pulis at barangay at pinarusahan daw sila sa pamamagitan ng pumping exercise.

Una raw, isang daan (100) muna at nang hindi sila sabay-sabay na nagpa-pump kaya pinaulit-ulit sila ng mga pulis.

Hanggang sa umabot daw ng 300 beses ang kanilang pagpa-pump, ayon sa kwento mismo ng biktima nang umuwi siya sa kanilang bahay kinabukasan.

Habang pinagpa-pump sila ng mga pulis ay bumagsak na raw itong si Darren na binalewala ng mga awtoridad.

Umuwi sa kanilang bahay si Darren na hirap na maglakad at halatang dumaan sa matinding pahirap ang kanyang inabot mula sa mga nagpa-pump sa kanila ng gabi na yun.

Nang nasa bahay na raw ang biktima ay hinimatay ito, kaya nilapatan siya ng first aid ng kanyang mga kaanak.

Nagkamalay siya, subalit mistulang lantang gulay na ito at na-comatose hanggang kinabukasan ay binawian na siya ng buhay.

Sabihin na natin na curfew violator si Darren, dapat ba siyang patawan ng ganung karaming pagpa-pump?

Kahit sinong tao sa unang pagkakataon pagawin mo ng ganung karaming (300 beses) pagpa-pump ay mag-iiba ang kanyang pakiramdam pagkatapos niyang gawin ito.

Kayo bang mga pulis nang una kayong sumabak sa training ay hindi nag-iba ang inyong pakiramdam?

‘Di ba minsan may mga nagkokolaps pa sa inyo?

Bago kayo isalang sa training ay isinasailalim muna kayo sa medical check-up para malaman kung kakayanin nyo ang ipagagawa sa inyo.

Isinalang nyo ba muna sa ­medical check-up si Darren bago nyo binigyan ng parusang ganung karaming pagpa-pump? ‘Di ba hindi?

‘Wag na natin ilayo pa, ako pag gusto kong mag-exercise sa unang pagkakataon na ginagawa ko kinabukasan ang pakiramdam ko ay para kong lalagnatin sa sakit ng katawan ko.

Kontrolado ko pa ang ginawa ko, papaano na lang kaya kung tulad ng ginawa ni Darren na 300 beses na siyang pinag-pump?

Wala siyang magawa. Hindi siya makatanggi dahil ang nag-uutos sa kanya ay unipormado kaya kahit hirap na siya ay ipinagpatuloy niya pa rin ang kanyang ginagawa.

Sa mga nagpapatupad ng curfew hindi nyo dapat pahirapan ang inyong mga nahuhuli na hahantong pa ang pagpapahirap ninyo sa kanilang kamatayan.

Marami namang paraan na pwede nyong ipagawa sa kanila, tulad ng community service o kaya ­paglinisin nyo ng inyong mga opisina.

Ano ba ang layunin natin? ­Bakit natin sila hinuhuli sa paglabag sa curfew? ‘Di ba para hindi sila mahawaan o makahawa ng COVID-19?

Layunin natin na hindi sila mamatay dahil sa COVID. Bakit natin sila paparusahan ng matindi na kanila namang ikamamatay? ‘Di ba mali?

Hindi lahat ng inyong mga nahuhuling curfew violators ay kakayanin ang inyong ipapataw na parusa sa kanila.

Hindi nyo alam ang status ng kanilang mga kalusugan kaya iwasan nyo na magpataw ng katulad ng ginawa kay Darren.

Itinatanggi ng Gen. Trias PNP na binigyan nila ng ganung parusa si Darren.

Ang magbibigay linaw riyan ay ang mga naging kasama ni Darren na pinatawan din ng ganung parusa.

Plano ng pamilya ni Darren na magsampa ng kaso laban sa mga pulis na nagpataw ng parusa sa kanya.

‘Wag po nating gawing ­kumplikado ang pagpapatupad ng curfew maging makatao po tayo.

Sapat na pong pangaralan sila para sa kanilang kaligtasan.

Binibigyan natin ng pagkakataon ang Gen. Trias PNP na magbigay sila ng kanilang panig para mailabas natin sa pahinang ito.

Ingat po tayong lahat. God Bless Us.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0919-259-59-07.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment