DAPAT MAKULONG ANG MGA KORAP NA KONGRESISTA

0

MASYADO nang mainit ang paksa hinggil sa mga kongresistang kumikita sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang pinakabagong isyu rito ay ipinasa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng tinatayang labingdalawang mga korap na kongresista.

Hindi ibinunyag ni Duterte ang kanilang mga pangalan dahil sa ibang sangay ng burukrasya kabilang ang mga kongresista.

Hindi rin ibinunyag ni PACC Commissioner Greco Belgica ang kanilang mga pangalan.

Hindi rin iimbestigahan ng PACC ang iginiit niyang mga korap na kongresista dahil ipinaalala ni Belgica na ang papel at kapangyarihan ng PACC ay imbestigahan at sampahan ng kaso ang mga opisyal lamang ng pamahalaan na itinalaga ng pangulo.

Ayon kay Secretary Menardo Guevarra, ang Department of Justice (DOJ) ang mag-iimbestiga sa mga mambabatas.

Kung mayroong nakitang sapat at matibay na mga batayan laban sa mga ­kongresista ay maghahain ng mga kaso ang DOJ sa Office of the Ombudsman, banggit.

Wasto lang na imbestigahan ng DOJ ang mga korap na mambabatas.

At syempre, dapat ­paghusayan ng DOJ upang mayroon namang maihabla ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.

Ang nabalitaan ko lang kasing nagawa ng Ombudsman simula nang pamunuan ito ni Manuel Martires ay panay “anim na buwang suspensiyon” ang hatol niya.

Pokaragat na ‘yan!

Ayon kay Belgica, isa sa mga korap na kongresista ay kumita ng P10 milyon sa isang proyekto pa lang ng DPWH.

Kaya, posibleng higit pa sa sampung milyon ang ­komisyon ng nasabing ­kongresista dahil maraming proyekto ang DPWH.

Kung tinatayang labing­dalawa ang mga ­kongresistang kumita sa mga proyekto ng DPWH, nangangahulugang milyun-milyon ang nakurakot nila sa pamahalaan.

Kung bawat isa sa 12 ay nakakuha ng P10 milyon kada isang proyekto sa nasasakupan nilang distrito, P120 milyon ang nawala sa pamahalaan.

Kung bawat isa sa 12 kongresista ay tatlong proyekto ang nahuthutan ng komisyon, lalabas na P360 milyon ang nawalang pera mula sa pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Mahigit 300 ang kasapi ng Kamara de Representantes, kabilang ang speaker.

Labingdalawa lang ang natumbok ng PACC na mga kongresistang korap dahil sila lang ang itinuro ng mga testigo.

Syempre, mas mainam kung mayroon pang lalapit sa PACC, o didiretso na sa DOJ, upang ituro ang iba pang ­kongresistang magnanakaw ng pera ng pamahalaan.

Tamang-tama, tiniyak ni Guevarra sa media na kasamang iimbestigahan ang mga kongresistang nakasulat sa listahan ng PACC kahit sinabi pa ni Duterte na hindi trabaho ng ehekutibong sangay ng burukrasya na imbestigahan ang mga kongresista dahil kabilang sila sa lehislaturang sangay.

Masusubok natin ngayon kung talagang ‘palaban’ hanggang ngayon ang administrasyong Duterte laban sa mga korap sa pamahalaan.

Kung nagawa ni Duterte na paimbestigahan, pakasuhan at ipakulong si Senadora Leila de Lima dahil sa droga sa New Bilibid Prison (NBP), dapat maging ang mga korap na kongresista ay makasuhan at makulong din.

Tandaan, parehong masahol na krimen ang korapsyon at pagbebenta ng ilegal na droga.

Tandaan din, parehong kawawa ang masang Filipino sa dalawang krimeng ito.

At kung sakaling maisampa ng DOJ ang mga kaso sa Office of the Ombudsman laban sa mga kongresista at tuluyang ihain naman ng huli sa Sandiganbayan, siguraduhin namang walang lusot ang mga kongresista gamit ang anumang teknikalidad sa mga kaso upang hindi ­maabsuwelto, o pansamantalang makalaya.

Napakahalaga ng puntong ito upang hindi maulit ang nangyari sa tatlong senador.

Lahat sila ay pansamantalang nakalaya dahil sa mga termino ng mga kaso laban sa kanila, samantalang may kinalaman ang kanilang kaso sa nakurakot na mahigit P10 bilyong pork barrel.

Iyong isang senador, abswelto sa isang kasong isinampa laban sa kanya, samantalang ang kanyang ‘pinagkakatiwalaang’ tauhan ay nakulong.

Huwag na sanang maulit ang ganitong pangyayari.

Sa susunod, dapat makulong ang mga korap na ­kongresista!

Related posts

Leave a Comment