DAPAT MAY MAKULONG AT MAPARUSAHAN SA VOTE BUYING

POINT OF VIEW

Natapos nang mapayapa at matagumpay sa pangkalahatan ang ginanap na midterm elections nitong Mayo 13, sa buong bansa, sa kabila, na inamin ng Commission on Elections (Comelec) na may kaunting kaguluhan at aberya ang katatapos na halalan.

Katulad nang inaasahan, hindi pa rin nawala ang problema gaya ng pag-malfunction ng mga vote counting machines (961) at SD cards (1,665), problema sa transmission ng election returns (ER), at ilang kaguluhan, subalit, malaki pa rin ang ating pasasalamat sa Panginoon at sa mga awtoridad dahil hindi naging madugo ang eleksyon ngayon.

Binabati natin ang mga nanalo at better luck next time na lang para sa mga natalo–ganyan lang talaga ang buhay sa eleksyon, may natatalo at may nanalo, parang sugal lang. Sa 2022 na lang ulit.

Ngayong tapos na ang botohan, ang malaking katanungan ngayon ng mga mamamayan, kung ano na ang mangyayari sa mga kaso ng vote buying. May mapaparusahan ba, magiging bahagi na lamang ba ito ng election records tulad ng dati o mauuwi lang ito sa aregluhan?

Nitong election period, ang Philippine National Police (PNP) ay nakapagtala ng mahigit sa 255 kaso ng vote-buying at nakasamsam sila ng P12 milyong pera sa mga nahuling supporters ng mga politiko na sangkot sa nasabing krimen.

Inaabangan ngayon ng publiko kung talagang may makukulong at maparusahan sa mga nahuling ito, dahil baka sa pagkapanalo ng halos lahat ng kandidato ng gobyerno mula sa lokal at national position, babalewalain na ang mga ka-song ito o kung may mapaparusahan man, baka yaong supporters ng mga kalaban o mga maliliit na kandidato.

Nakakapangamba rin kasi ang naging pahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ang vote buying ay integral part o bahagi na ng eleksyon sa Pilipinas. Baka makakaimpluwensiya at pagbabatayan pa ito ng mga awtoridad para tuluyang balewalain na ang nasabing election crime. Sad naman kung mangyari.

Bagama’t totoo ang sinasabi ng Pangulo, hindi maganda at ‘untimely’ ang pahayag na ito sa gitna na nagpakahirap at nagtaya ng kanilang buhay ang ating mga law enforcers upang hulihin ang mga lumabag dito. Sa tingin natin, nakaka-demoralize para sa kanilang panig at sa sambayanang Filipino.

Ang vote buying na karaniwan nang ginagawa ng mga kandidato at supporters tuwing eleksyon ay nakatala bilang elec-tion offense sa ilalim ng Omnibus Election Code of the Philippines.

Ang krimen ay may kaparusahang pagkakulong na hindi bababa sa isang taon, subalit, hindi hihigit sa anim na buwan. Ang mga mapapatunayang guilty ay aalisan din ng karapatang humawak ng alinmang posisyon sa gobyerno at bumoto.

Dapat talagang may maparusahan at makulong sa mga nahuli sa vote buying, kapag walang mangyayari sa mga hinuli, mawawala na ang takot, respeto at disiplina ng mga mamamayan sa ating mga batas.

Baka iisipin na nila na ang mga batas at regulasyon ng bansa ay panakot lamang. (Point of View /NEOLITA R. DE LEON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment