DH SA RIYADH, PINAGBINTANGANG NAGNAKAW

Aksyon OFW

MAPAGPALA at isang ligtas na araw, mga ka-Saksi!

Isa na namang distressed OFW ang dumulog sa ating kolum para humingi ng tulong na makauwi na sa Pilipinas as soon as possible.

Si kabayaning Mareste Biantan ay nagtatrabaho bilang domestic helper sa kanyang amo na si Amin Saa Saeed Al-Qahtani sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia simula pa noong 2019, at ­ideneploy ng PJV Human Resources na nakabase sa lungsod ng Maynila.

Base sa reklamo ni kabayaning Mareste, nagtapos na ang kanyang kontrata noong September 21, 2021 at gusto na talaga niyang umuwi sa bansa dahil sobrang hirap at pagod na siya sa pagtatrabaho.

Pinagtatrabaho umano siya ng amo sa loob ng halos 13 oras, ang pinakamaaga na niyang pagtatapos sa mga gawain. Anim na miyembro ng pamilya ang kanyang pinagsisilbihan sa tatlong palapag na bahay nito.

Bukod pa rito, sariling gastos niya ang pagbili ng personal na pangangailangan gayundin ang paggamit sa internet para makakontak sa kanyang pamilya sa Pilipinas.

Kinausap na umano siya ng amo na bibilhan ng plane ticket noong November pero pinaasa lang si kabayaning Mareste dahil mahal daw ang presyo. Mula noong December 2021 hanggang ngayon ay wala pa ring tiket ang ating kabayani.

Ang masaklap pa mga ­ka-Saksi, inakusahan si kabayaning Mareste na nagnakaw ­diumano ng relo ng kanyang among babae.

“Ngayon po pinagbintangan po siya na nagnakaw ng relo… nang patingnan mga gamit niya ayaw naman ng madam niya kasi anjan daw si God. Kahit mga dating kasalanan pa binabalikan pa at ang mga damage o nasirang gamit gusto pang pabayaran,” ayon sa ating OFW advocate.

Good News!

Sa gitna ng global pandemic, ipinagmalaki ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mas matatag at tumaas pa na remittances ng ating mga mahal na overseas Filipinos.

Sa datos ng BSP, sumipa ang OF remittances sa $2.77 billion noong November 2021 lamang, nang bumuhos ang money transfers dahil sa papalapit na ang kapaskuhan. Ito ay mas mataas ng 4.8 percent kumpara noong November 2020 sa halagang $2.643 billion.

Kung susumahin, mula Enero hanggang November 2021, pumalo sa $31.586 billion ang personal remittance ng mga OF na mas mataas ng 5.3% sa unang 11 buwan ng taon kumpara sa $29.988 billion sa parehas na panahon noong 2020.

Ang pinakamalaking kontribusyon sa remittances ng mga kababayan nating overseas Filipinos ay mula sa mga bansang United States of America, Taiwan, at Malaysia.

Maraming salamat sa mga kababayan nating ­nag­-sasakripisyo at malayo sa kanilang mga pamilya, dahil malaki ang kanilang naiaambag para manatiling buhay ang ­ating ekonomiya.

Mabuhay at saludo ako sa mga bagong bayani sa buong mundo!!

Para sa inyong komento, suhestyon at reaksyon, mag-send lang po sa dzrh21@gmail.com.

79

Related posts

Leave a Comment