DIPLOMATIC PROTESTS VS CHINA, PAKIKINGGAN KAYA?

POINT OF VIEW

Maghaharap ng panibagong diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) kontra sa China kaugnay sa tila hayagang pambabatos sa ating bansa.

Kung matutuloy, ito’y pangatlo nang diplomatic protest na ihahain ng gob¬yerno ng Pilipinas laban sa China simula June ng taong kasalukuyan.

Ang unang protesta ay bunsod sa umano’y pananad¬ya na banggain ng Chinese vessel ang fishing vessel ng mga mangingisdang Pinoy habang nagpapahinga ang mga ito sa isang bahagi ng Philippine Exclusive Economic zone at tinangkang lunurin ang may 22 mangingisdang sakay.

Ang pangalawa ay nitong Hulyo 31, matapos mapaulat ang pagligid ng daan-daang sasakyang pandagat ng Tsina sa Pag-asa Island mula pa umano noong Enero.

Ang Pag-asa Island ay napapabilang sa Kalayaan Island Group (KIG), isang teritoryong kontrolado ng Pilipinas.

Ang pangatlo, na plano pa lang isasakatuparan ng DFA, kaugnay sa walang permisong pagpasok sa loob ng Philippine EEZ ng surveillance ships at warship ng Tsina.

Sinabi ni DFA Secretary Teodoro Locsin na hihintayin pa nila ang go signal ng militar bago ito ihain.

Ang pagkilos na ito ni Locsin ay kasunod nang kuwestiyunin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpasok ng Chinese Research vessels at warships sa Pilipinas, na ayon sa una, walang business ang mga ito na pumasok sa loob ng Philippine EEZ dahil wala silang abiso o anumang permiso mula sa gobyerno. Ang ginagawa bang ito ng China sa ating bansa ay magagawa rin ba natin sa kanilang bansa? Puwede bang basta-basta na lamang tayong papasok sa loob ng kanilang EEZ?

Sa akin lang, nagngangawa ngayon ang ating mga opisyal na sinasabing ang aksyon ng Tsina ay malinaw na paglabag sa soberanya ng Pilipinas, sovereign rights at jurisdiction na nakasaad sa ilalim ng International Law kabilang ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Sinasabi ng DFA na ang Tsina ay hindi tumupad sa kasunduan ng dalawang bansa na huwag gumawa ng ano mang hakbang na magpapalala sa sitwasyon – isang bagay na napagkasunduan noong bumisita sa Pilipinas si China President Xi Jinping.

‘Di rin sinusunod ng Tsina ang kasunduang “Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea” habang patuloy ang negosasyon para sa isang Code of Conduct ukol sa mga teritoryo.

Sa palagay ba n’yo makikinig ang Tsina sa pakiusap na ito ng ilang opisyal ng ating gobyerno? (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

90

Related posts

Leave a Comment