DORMITORYO NG TRANSCO PARA SA FRONTLINERS

SA panahon ng malawakang sakuna at pangamba na dulot ng epidemya na tulad nang hinaharap ng Pilipinas ngayon, ang mga manggagawa sa sector ng kalusugan, ang pinakamahalaga.

Sila ang ­nangunguna sa pagharap sa pangangailangan ng taumbayan subalit dahil na rin sa karagdagang komplikasyon nang pagtigil ng pasada ng pampublikong mga sasakyan, isang malaking pasakit ang daramahin ng mga manggagawa sa sector ng kalusugan, upang mapagsilbihan ang mga mamamayan.

Upang matugunan ang hamon na ito, at sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterta, isinabatas ang “BAYANIHAN, TO HEAL AS ONE ACT” kung saan ang buong mekanismo at lakas ng pamahalaan at ng bawat sangay nito ay pinakikilos at pinapagtulong-tulong upang malampasan ng ­sambayanan ang krisis na kinakaharap nating lahat.
Isa sa mga adhikain ng batas na ito ay ang matugunan ang malaking hamon na humaharap sa ating mga kababayan sa sector ng kalusugan, kung paano maiibsan ang mga pasakit at sakripisyo nila, habang ginagampanan ang araw-araw na tungkuling alagaan at pagalingin ang mga kababayan nating biktima nang nakakahawang sakit na coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Bilang pagtugon sa ­hamong ito, ang National Transmission Corporation (TransCo), sa pangunguna ni Atty. Melvin Matibag at ng kalihim ng Kagawaran ng ­Enerhiya na si Alfonso Gaba Cusi ay nagpasimula ng ­programa kung saan ang mga manggagawa ng Lung Center of the Philippines at ng ­National Kindy Institute ay maaring tumira pansamantala sa ipinatayong dormitoryo ng TransCo.

Ang Heal As One ­Dormitory, na nasa loob ng ­Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue, ay malapit na malapit lamang sa sinasabing mga pagamutan. Ang nasabing dormitory ay may labing apat na silid at mahigit apatnapung kama kung saan  ­mahimbing na makapagpapahinga ang hanggang isang daan at dalawampung (120) manggagawa ng nasabing mga ospital. Kasama sa serbisyong ibibigay ng TransCo sa mga magiging bisita ay ang libreng pagkain ng almusal, tanghalian at hapunan at pagsundo at paghatid, gamit ang lahat ng sasakyan ng kawanihan.

Sa oras ng kanilang pamamahinga, maari din silang magsaya habang ginagamit ang iba’t ibang home entertainment system at cable tv na ipinakabit sa dormitory.  Kung nais din nila ng makabuluhang pagmumuni-muni, mayroong park at garden sa loob ng compound ng TransCo. Maaari din nilang bisitahin ang museo ng mga Bayani kung nais nilang mapukaw ang kanilang pag-iisip habang nagtatanggal ng pagod.

Ang lahat ng ito ay buong pusong ibinabahagi ng TransCo sa mga Makabagong Bayani ng  ating ­Inang Bayan.

Related posts

Leave a Comment