DSWD, MAMAMAHAGI NG P8-K – P10-K SA MAHIHIRAP NA MAMAMAYAN

Badilla Ngayon

NITONG Lunes, inianunsiyo na ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakahanda na ang P200 bilyon ng pamahalaan upang ipamahagi ito sa mahihirap na mamamayan.

Inatasan ni Presidente Digong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang mamahagi sa pinakamahihirap na mamayang Filipino ng P8,000 hanggang P10,000 bawat buwan sa loob ng dalawang buwan.

Aabot sa 18 milyong mahihirap na pamilya ang makikinabang sa nasabing P8,000 hanggang P10,000 tulong pinansiyal ng administrasyong Duterte ngayong panahong ipinatutupad ang “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon hanggang Abril 14.

Sana matiyak na totoong mahirap ang mabibigyan ng DSWD bawat lungsod at bayan sapagkat iyan naman ang layunin ng suporta ng pamahalaan.

At sana, walang bawas kahit magkano.

Sinabi ko ito sapagkat marami na akong nabalitaan na binawasan ang perang nakararating sa mamamayan tulad ng mga biktima ng bagyong Yolanda.

Ang masahol ay kalahati ng halagang ibinibigay sa mamamayan ang ibinawas ng mga korap na opisyal ng pamahalaan.

Ganyan ang sinapit ng mga kamag-anakan at kababayan ko sa Eastern Samar.

Ang problema sa tulong na ito ng pamahalaan ay hindi na makatatanggap ng P8,000 hanggang P10,000 ang mga mahihirap na pamilya kung nakatanggap na ng P5,000 mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Kung nakatira sa National Capital Region (NCR), P8,000 ang matatanggap mo mula sa DOLE.

Pero, kung P5,000 lang ang ibinigay ng DOLE ay maaari ka pang makahingi ng karagdagang ayuda mula sa DSWD hanggang umabot ito sa P10,000 bawat pamilya kada buwan sa loob ng dalawang buwan.

Kung tutuusin, halos kalahati lang ng minimum na sahod ang P8,000 hanggang P10,000 ngunit malaking halaga na kung tutuusin.

Ang mahalaga para sa akin ay hindi ito mababawasan dahil kapag kulang ang natanggap ko at ng mga kakilala kong mahihirap ay gagawa ako ng paraan hanggang makarating kay Pangulong Duterte ang panloloko ng mga opisyal ng pamahalaan.

Kapag nangyari ‘yan, naniniwala akong aaksiyon si Pangulong Duterte sapagkat nang ihayag niya ang tulong pinansiyal ng kanyang administrasyon sa mamamayang Filipino na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Lunes ay tahasang binalaan ng pangulo ang mga korap na opisyal at kawani ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na dapat walang korap habang nahaharap ang bansa sa COVID-19.

Mahalaga ang ba ala ni Duterte upang mapigilan ang mga masasamang-loob sa ating bansa.

Sa Pilipinas kasi, ang tulong ng pamahalaan ay pinagkakakitaan ng maraming opisyal din pamahalaan mula sa mga pambansang ahensiya hanggang sa mga pamahalaang lokal hanggang sa barangay.

Palasak na ang ganito sa ating bansa, kaya dapat maparusahan kung sinuman ang mga opisyal na ito sa panahong ipinatutupad ang ECQ upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Kailangang matapos na ang pasarap-buhay na mga ganid at tusong Filipino!

Isa ako sa mga magbabantay ng proyektong ito ng administrasyong Duterte upang matiyak na makarating nang tama at eksakto sa mamamayang Filipino ang nararapat na tulong. NELSON BADILLA

 

85

Related posts

Leave a Comment