DYIPNI IBALIK SA LANSANGAN PERO….!

Kaisa tayo sa panawagan na ibalik na sa lansangan ang mga traditional na pampasaherong jeep lalo na sa Metro Manila dahil hindi pa sapat ang transport system natin para maisakay ang lahat ng mga commuters.

Napakahalaga ng papel ng mga jeep sa ekonomiya ng bansa at hindi pa sapat ang bilang ng mga modernong Public Utility Vehicles (PUVs) dahil 300 unit pa lamang ang namamasada na malayong malayo sa 75,000 unit ng traditional jeep na namamasada para tugunan ang pangangailangan ng mga commuters.

Pero, kapag pinayagan nang bumalik sa lansangan ang mga traditional jeep, dapat naman sumunod sila sa batas at alisin sa isip ng mga jeepney drivers na sila ang “hari ng lansangan”.

Unang ginamit ang dyipni o dyip pagkatapos ng World War 2, mula sa Miltary jeep na naiwan ng tropa ng Amerika sa Pilipinas at mula noon ay naging traditional na pampasaherong sasakyan na ito sa bansa.

Nakilala ang dyipni bilang “hari ng kalsada” dahil sila ang tanging maayos na transportasyon sa ating bansa pagkatapos ng WW2 pero tila iba ang pagkakaunawa ng karamihan sa mga jeepney driver.

Hindi naman lahat pero maraming sigang dyipni driver sa lansangan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga probinsya dahil marahil iniisip nila na sila ay hari ng kaldasa, kaya maraming disgrasya ang nangyayari.

Isa sa mga siga ay yung tinatawag nilang “patok” na kung magpatakbo ay akala mo ay sa kanila ang kalsada dahil ang bibilis at walang pakialam sa mga kapwa motorista na malimit nagiging dahilan ng disgrasya.

Kapag nakadisgrasya, sasabihin nila na nawalan sila ng brake pero ang totoo, ang yayabang nilang magpatakbo at karaniwan sa kanila, tumatakas kapag nadisgrasya o nakadisgrasya.

Bago nagkaroon ng lockdown, nagkaroon ng disgrasya sa Makati City nang araruhin ng isang jeepney driver ang mga estudyanteng tumatawid sa tamang tawiran na ikinamatay ng isang bata.

Ano ang punto ko dito? Simple, kapag pinabalik na sa lan­sangan ang mga dyip, dapat bantayan ng mga transport organization ang kanilang mga miyembro at paalalahanan ang mga ito na igalang ang batas at mga tao sa mga lansangan.

Marami sa mga dyipni drivers ang walang pakiaalam sa batas trapiko at nagsasakay sa mga lugar na hindi dapat magsakay. Mayroon pa na kung kailan naka-go signal na ay saka hihinto sa kanto para maghintay ng pasahero at sila pa ang matapang.

Hindi rin nila iginagalang ang pedestrian lane at kapag nakadisgrasya ay kakamutan ka lang ng ulo dahil wala raw silang pambayad pero kapag sila ang nasagi mo, kuyog sila at pipigain ka para bayaran mo sila kahit gasgas lang ang inabot ng sasakyan nila.

Tulad ng sabi ko, mahalaga ang papel ng mga dyipni driver kaya dapat lang na pabalikin na sila sa pamamasada pero kailangang ayusin naman nila ang kanilang biyahe at maging ang kanilang mga unit dahil marami sa kanila ang bumibiyahe kahit bulok.

Kailangan din sigurong lansagin ng Land Transport Office (LTO) ang mga corrupt sa kanilang hanay na nagrerehistro ng mga pampasaherong jeep na bulok na ay mausok pa.

Parang wala pa kasi nakikitang nagpa-emission test na pampasaherong dyip pero magtataka ka nagkaroon ng rehistro kaya malamang may corrupt sa LTO ang nakikinabang sa kanila.

Related posts

Leave a Comment