ERAP BALAK IPA-RECALL SI ISKO?

BAGWIS

Ano itong nababalitaan ko na gumagalaw ngayon ang kampo ni ex-Mayor at ex-President Erap upang mai­salang sa recall election itong si Mayor Isko Moreno? Ayon sa ilang source ay nililigawan ngayon ng ilang maka-Erap itong mga Barangay Chairman ng Maynila upang paghandaan na ma-recall si Isko.

Marami sa mga kapitan ng barangay ngayon sa Maynila ay parang mga basang sisiw dahil nawalan sila ng mga hanapbuhay dahil sa mga ginawang kampanya ng bagong pamunuan laban sa mga illegal vendor, illegal parking, illegal terminal at illegal gambling. Kung noon ay laging busog ang bulsa ng mga kumag dahil sa kanilang mga raket ay puro gutom naman ang kanilang inabot dahil sa mga repormang ipinapatupad ngayon ni Yorme.

Maging ang mga galamay ni Erap sa media ay abalang-abala rin ngayon upang pulaan at wasakin ang image ni Isko at ang mga ginagawa niyang pagbabago sa Lungsod ng Maynila. Maging ang pagiging babad ni Yorme sa Facebook Live ay pinupuna ng mga alagad ni Erap na pihadong kasama sa mga nawalan din ng mga raket.

Batid ni Erap na maraming mga nasasagasaan na mga barangay official sa mga ginagawa ni Isko kaya’t sila rin ang pinapagalaw nito upang bigyang daan ang paglalatag ng isang petition upang sumailalim sa isang recall election itong si Isko.

Pagkatapos ng isang taon ay maaaring maisagawa ang pagkilos ng kampo ni Erap upang ma-recall si Isko dahil ayon sa Local Government Code ay maaari lamang itong isagawa pagkatapos ng isang taong panunungkulan ng isang halal na opisyal.

Nakasaad din sa batas na kailangan lang ng isang petisyon na pipirmahan ng may 10% ng kabuuang populasyon ng mga botante. Ito ay isusumite sa Commission on Elections (Comelec) na siyang gagawa ng beripikasyon sa katauhan ng mga nasa petisyon.

Ang problema ni Erap ay napakabango ngayon ni Isko hindi lamang sa kanyang mga nasasakupan kundi maging sa buong sambayanan. Kailangan niyang basagin ang napakagandang imahe ni Isko kung kaya’t umaalagwa naman ang kanyang mga bataan sa media.

Ngunit gaya ng ipinakitang pagkakaisa ng mga taga-Maynila nitong nakalipas na eleksyon ay tiyak na ibabasura ulit nila ang ganitong plano ng kampo ni Erap. In the meantime, happy na naman ang mga alipores ni Erap dahil kahit papaano ay may panibago na naman silang pinagkakaabalahan mula sa kanilang amo sa loob ng isang taon. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

82

Related posts

Leave a Comment