ESTUDYANTE INIREKLAMO NI BONG GO SA NBI

HINDI ako makikipagtalo na karapatan ng kahit sinong Filipino na magreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI), o Philippine National Police (PNP), kung kumbinsido ang taong ito na mayroong nagawang krimen sa kanya.

Kahit pangulo ng bansa, pangalawang pangulo, senador, kongresista, alkalde at iba pang Filipino na mayroong pampulitikang kapangyarihan ay maaaring maghain ng reklamo sa NBI, PNP, piskalya o diretso sa korte.

Karapatan ng lahat ng bawat Filipino na maghain ng reklamo alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng Saligang Batas.

Ngunit, kung kasapi ng Kongreso tulad ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ay hindi dapat ­inirereklamo ang mga Filipino na nambatikos, o bumira, laban sa mga mambabatas.

Kapag nagkaroon ng posisyon sa pamahalaan ang isang kawani ng pamahalaang lokal tulad ni Go ay kinakailangang bukas ito, hindi lamang sa papuri at paghanga sa kanya, kundi maging sa lahat ng birada, bigwas at pagsisiwalat ng kamaliang nakita, o pinaniniwalaang taong bumanat sa kanya.

Puwede namang pabulaanan o itanggi ng opisyal ang bigwas sa kanya.

Ilang araw na ang nakalipas nang maghain ng reklamo si Senador Go sa NBI hinggil sa tingin niyang iresponsable at malisyosong upak sa kanya sa social media.

Ayon sa balita, m­araming birada laban kay Go kung saan ang nangunguna rito ay ang #TangxxxMoBongGo.

Ayon pa rin sa balita, ang inireklamo ni Go ay isang estudyante sa kolehiyo. Hindi na binanggit sa balita kung minor de edad ang ­estudyante o higit 18-taong-gulang na.

Sabi ni Go: “Mara­ming inihain na reklamo ang mga abogado ko dahil sa mga social media post na ­malisyoso at fake news. Hindi ako titigil at patuloy akong ­magrereklamo gamit ang legal na paraan habang patuloy pa rin ang pagkalat ng paninira at kasinungalingan.”

“Ginagawa ko ito upang turuan ng leksyon ang mga abusado na patas ang pagtingin ng batas sa ating lahat. Pareho po tayong may karapatan magreklamo at pareho tayong humihingi rin ng hustisya,” banggit pa ng bagitong senador.

Ngunit, nilinaw niya na “dinadaan ko sa ligal na proseso ang aking reklamo para mabigyan rin ang akusado ng pagkakataong sumagot sa patas na paraan.”

Kahit idinaan pa ni Go sa legal na proseso ang ­reklamo ay hindi na dapat niya inutusan ang kanyang mga abogado na magsampa ng reklamo laban sa ­estudyante dahil mayroong negatibong psychological effect ito sa bata.

Mas mainam kung naglabas na lamang ng press release si Go kung saan pinapangaralan niya ang bata at iba pang estudyante na huwag silang maglalabas ng batikos sa kanya tulad ng #TangxxxMoBongGo.

Ilagay rin ni Go sa kanyang press statement na maging responsable sa pambabatikos sa sinumang opisyal ng pamahalaan tulad niya na isang “honorable senator”.

Maaari ring sabihin ni Go na huwag siyang murahin kundi batikusin siya kung mayroong mali sa mga desisyon, aksiyon at pagdalo niya sa mga pulong ni ­Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasapi ng Gabinete nito bilang senador.

Ngunit, huwag na huwag igigiit ni Bong Go sa kanyang press statement na huwag na huwag bibirahin, o pupunahin, ng mga mag-aaral ang mga ospiyal ng pamahalaan o mambabatas tulad niya na isang senador.

Mali na ito.

Hindi na wastong pagbawalang magpahayag ang mga estudyante ng kanilang opinyon at saloobin laban sa mga opisyal ng pamahalaan, laban sa mga mambabatas at sa mga kamalian sa lipunang kanilang ginagalawan.

Napakalaking kabalbalan na gawing pipi ang mga estudyante kung napakaraming kamalian at kapalpakan sa kanilang pamayanan, sa partikular, at sa lipunan, sa kabuuan.

Mainam kung hahayaan silang maglabas ng kanilang pananaw at pagsusuri sapagkat sa murang edad ay naipapamalas na nila ang kanilang papel sa ating lipunan.

Dapat nga, matuwa tayo sa paglahok ng kabataan sa pagsulong ng lipunan, sibilisasyon at bansa, sa halip na maging tambay sila araw-araw.

Hindi maganda kung magiging tambay sila dahil maaaring ito pa ang maging daan upang mapariwa ang kanilang buhay at kinabukasan.

Kaya, huwag nang ireklamo ang mga ­estudyante sa NBI kung sila naman ay nagsalita at nagalit sa mga mambabatas tulad ng naramdaman ng isang estudyante laban kay Senador Bong Go.

 

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA
73

Related posts

Leave a Comment