FACE SHIELD SIMBOLO NG CORRUPTION

0

DALAWANG bagay ang mangyayari sa susunod na mga araw lalo na sa susunod na taon na pupunta sa mga presinto ang mga tao para bumoto at magluklok ng mga bagong lider ng bansa… tatanggalin na ang face shield o paninindigan na nakatutulong na ­pangontra sa COVID-19.

Puwedeng iutos ng Inter-agency task force (IATF) na huwag nang gumamit ng face shield dahil eto na ang tinatawag na “simbolo ng corruption” sa kasalukuyang administrasyon.

Malaking kasiraan ito kay Pangulong Rodrigo Duterte lalo na kapag itinuloy niya ang pagtakbo sa vice presidential race at maging sa kanyang mga kandidato kasama na siyempre ang babasbasan nitong presidential candidate.

Mantakin mo hanggang sa presinto ay magsusuot ng face shield ang mga botante na isa nang simbolo ng katiwalian dahil bumili si dating Procurement Service – Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao ng bilyong-bilyong pisong halaga ng face shield kahit wala namang scientific study na nakatutulong ito para hindi mahawaan ng COVID-19.

Tanging ang Pilipinas lang sa buong mundo ang pinagsusuot ng face shield at binabantaan ang mga tao na kapag wala silang suot nito, parurusahan sila dahil sa hindi pagsunod sa health protocols.

Ngayon, kapag suot-suot ng mga tao ang face shield kapag sila ay lumalabas, ay suot-suot nila ang ‘simbolong ito ng katiwalian sa gobyerno’.

Habang suot nila ito araw-araw, tumitimo sa kanilang isip kung gaano katindi ang katiwalian na maging ang kalusugan ng mga tao ay pinagkaka­kitaan.

Para mabura ito, malamang na hindi na oobligahin ang mga tao na magsuot ng face shield dahil kung ipatutupad pa rin ito hanggang sa araw ng halalan sa susunod na taon, paktay ang mga kandidato ng administrasyon.

Puwede ring panindigan na lamang ng IATF ang face shield para ­mabigyang katuwiran ang pagbili ng PS-DBM ng sandamakmak na face shield sa kanilang paboritong kumpanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Sabi noon ni Lao, kaya binili ng P120 ang bawat face shield dahil nagkaka­ubusan daw ng supply sa mundo kahit tayo lang sa buong mundo ang nagsusuot nito. Palusot dahil kahit ang Amerika at India na matinding tinamaan ng COVID-19 ay hindi namili ng face shield.

Kung maalala nyo, sinabi ni Pangulong Duterte na sa loob na lang ng mga hospital puwedeng magsuot ng face shield kaya natuwa ang mga tao pero bigla niyang binawi at tuloy ang pagsusuot ng face shield sa labas ng bahay.

Mukhang nabulungan ang Pangulo na ­maraming face shield ang binili ni Lao at lalo silang mahirapan na idepensa ang pagbili nila ng face shield kung tatanggalin ito sa health protocols.

O puwede ring may mga negosyante na ma­lapit sa Pangulo na nagbulong na marami silang inangkat na face shield at hindi pa nauubos at malulugi sila kung hindi na pagsusuotin ang mga tao ng face shield kaya binawi ang unang utos.

Kahit saan lugar, may nagbebenta ng face shield na ang presyo ay P10 pataas pero hindi lalagpas ng P20. Malamang na hindi kasama ito sa mga binili ng PS-DBM sa Pharmally.

Kailangan nilang panindigan na kailangan ang face shield dahil kung hindi ay lalo silang mababaon sa imbestigasyon ng Senado sa anomalyang iniwan ni Lao sa PS-DBM.

Sasabihin ng mga senador “Namili kayo ng sandamakmak na face shields gamit ang pera ng bayan tapos sasabihin n’yo na huwag nang gumamit…malinaw na anomalya yan” kaya para maiwasan ito, patigasan na lang ng mukha at panindigan na lang ang mali. Kahiyaan na eh.

Pero magdesisyon man o hindi ang IATF na huwag nang obligahin ang mga tao na magsuot ng face shield para sa eleksyon, naging simbolo na ito ng katiwalian at hindi na ‘yan mabubura kailan man.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment