FEELING HARI SA MONTALBAN

MINSAN pa, nalagay sa peligro ang buhay ng isang peryodista sa isang ­bayang pinamumugaran ng feeling hari, kabilang ang mga lokal na opisyal at negosyanteng bumubusog sa kanila.

Ang peryodista – si Edwin Moreno, isang kaibigan sa panulat na nakilala ko noong dekada nobenta. Noon pa man, tulad ko siyang pobre at magpahanggang ngayon kapwa kami nabibilang sa isang kahig, isang tuka, estadong tanggap na namin noon pa.

Marami na kaming kasabayang nagsiyaman matapos piliing mag-iba ng karera habang ang iba naman nagsilbing anay sa hanay ng mga lehitimong dyarista.

Kamakailan lang, eksklusibo niyang nakunan ng video ang insidente ng pananambang sa bayan ng Montalban, sakop ng lalawigan ng Rizal. Bilang dyarista, ginawa niya ang istorya, isinumite sa pahayagan at lumabas kinabukasan – bagay na sukdulang ikinadismaya ng isang politiko at mga kamag-anak ng biktima.

Ang totoo, hindi kami masaya sa tuwing nagsusulat ng masamang balita tulad ng naganap sa Barangay San Rafael ng nasabing ­bayan kung saan tinamba­ngan ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang babaeng kapitalista nitong nakaraang Martes, Enero 18, 2022. Bilang tagapagbalita, angkop lang namang gawin niya ang istorya.

May mga pagkakataong naoobliga ang pulisyang dakpin ang may sala sa sandaling nakuha ang atensyon ng media. Pero sa insidente ng pananambang sa Montalban, sa halip na pasalamatan ay sinuklian si Moreno ng pananakot ng pamilya ng biktima – kabilang ang isang politikong kandidato sa nalalapit na halalan.

Hindi ako nagulat sa kanilang inasta lalo pa’t gayundin ang polisiya ng mga nasa poder sa nasabing bayan kung saan marami ang ikinukubling paninindikato ng mga nasa posisyon.

Sa pagtatanong-tanong, napag-alamang isa palang online seller ang biktima, anggulong tinututukan ng pulisya sa hangarin matunton ang salarin sa likod ng pamamaslang.

Ang nakakapagtaka ay ang asal ng pamilyang may pera at ng politikong ­ambisyoso. Giit kasi nila, kailangan pa ng kanilang permiso bago mag-cover ang peryodistang si Moreno.

Nangyari ang pananakot at panggigipit kasunod ng paandar ng gobyerno – ang pagtatalaga ng pulis na ang tanging trabaho ay tumugon sa dulog ng mga kawani ng media.

Ang tanong: Nasaan ang garantiyang ligtas ang mga dyarista?

My take: Wala ‘yan, puro press release lang ang mga yan!

Related posts

Leave a Comment