GUMAPANG NA SA NCR ANG MARTIAL LAW

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Walang-awang pinatay si Reynaldo Malaborbor, coordinator ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (MAKABAYAN) sa Southern Tagalog noong Nobyembre 4 sa harap ng kanyang bahay sa Cabuyao, Laguna.

Ang MAKABAYAN ay ang partido ng mga progresi­bong grupong party-list na Bayan Muna, Gabriela Wo­men’s Party, ACT Teachers, Kabataan, Anakpawis, at iba pa.

Gayundin, ni-raid ang tanggapan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Manila sa Tondo, at inaresto sa gawa-gawang kaso ang tatlong aktibistang natutulog sa opisina.

Ito ay matapos ang ginawang Halloween raid sa opisina ng mga aktibista sa Bacolod, Negros Occidental na nagkulong sa 57 katao, kabilang ang ilang menor-de-edad. Tulad ng kinaso sa Negros 57, bogus na illegal possession of firearms and explosives din ang pinaratang sa mga aktibista.

Sa mga pangyayaring ito, tunay na lumaganap na sa Kamaynilaan ang lagim ng Martial Law na nananalasa sa Mindanao, Negros, Bicol, Eastern Visayas at iba pang probinsya. Sa loob ng administrasyong Duterte, samu’t saring mga paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang pag-aresto at pagpatay, ang ginawa sa mga aktibista, magsasaka, katutubo, manggagawa, abogado, public officials, at iba pang kritiko ng pamahalaan.

Ang ginagawang pag-atake na ito ay nakadisenyo upang ibaling ang atensyon ng publiko mula sa mga problemang bumubuliglig sa mga Filipino. Ang pagkabigo ng drug war ni Presidente Duterte sa kabila ng madugong patayan, ang korapsyon at pagkabulok ng gobyerno at ng mga opisyales nito, at ang papalalim at papalawak na kahirapan ang nais ibaon ng pamahalaan. Ito rin ang mga isyung bitbit ng mga aktibista, kaya naman malaki ang galit ng pamahalaan sa kanila at tinatangka silang pilayin at durugin.

Ngunit, sa kabila ng pag-atake na ginagawa sa hanay ng mga aktibista at mga progresibong grupo, ay hindi ito aatras sa laban. Tuloy pa rin ang laban para sa interes ng mamamayan! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

86

Related posts

Leave a Comment