HAMON KAY SECRETARY GUEVARRA

0

MUKHANG malaki ang tiwala at paghanga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Justice Menardo Guevarra kaysa kay Dante Jimenez kung paglaban at pagsugpo laban sa katiwalian, korapsyon at pandarambong ang pag-uusapan dahil kay Guevarra pa ipinatrabaho ng pangulo ang imbestigasyon laban sa mga tiwali, korap at mandarambong na opisyal at kawani ng buong pamahalaan.

Ang totoo pa nga, pinalakas at pinatibay pa ni Duterte ang kawalan ng tiwala nito sa ­Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pinamumunuan ni Jimenez dahil ­pangalawang ulit nang ­benalewala ng pangulo ang nasabing ahensiya.

Ang una ay nang italaga ni Duterte si Guevarra bilang pinuno ng binuo niyang task force na mag-iimbestiga sa garapalan at napakatalamak na korapsyon at pandarambong sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ang nangyari ay isa lamang ang PACC sa mga ahensiyang sumuporta sa DOJ sa naturang imbestigasyon.

Kung malaki ang tiwala at totoong hanga si Duterte kay Jimenez, pihadong PACC ang mangunguna sa imbestigasyon laban sa PhilHealth.

Siyempre, maging sa imbestigasyon sa buong ehekutibong sangay ng pamahalaan ay si Jimenez pa rin ang hepe ng imbestigasyon.

Kahit nga kasama si Greco Belgica sa PACC ay hindi pa rin ipinaako ni Duterte ang imbestigasyon sa PhilHealth at sa buong pamahalaan.

Naglalabas naman ng mga pahayag si Jimenez sa media tungkol sa tinatawag natin sa Ingles na “accomplishments”, lalo na si Belgica.

Mas masipag pa nga magsalita si Belgica sa media ­kumpara kay Jimenez.

Naglalabas ng pahayag si Belgica sa mga anomalya tulad sa PhilHealth, Department of Public Works and Highway (DPWH) at iba pa, ngunit mistulang ‘paningit’ ang PACC sa kontrobersya.

Palagay ko si Atty. Manuelito Luna ang makapagbibigay ng ‘magandang paliwanag’ kung bakit dalawang beses nang benalewala ni Duterte ang PACC.

Si Luna ay isa sa mga dating opisyal ng PACC.

Tinanggal siya ni Duterte sa PACC nang biglang binatikos niya si Bise – Presidente Maria Leonor Robredo nitong kasagsagan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nang alamin ko ang ilang impormasyon tungkol kay Guevarra, nabatid kong nagtrabaho ito sa pamahalaan sa termino ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Nang itinalaga ni Duterte na executive secretary si Atty. Salvador “Bingbong” Medialdea, kinuha ng huli si Guevarra.

Nalaman ko sa kumpare at kaibigan kong si Atty. Jay de Castro na magaling at matalinong abogado si Guevarra.

Si Guevarra ay tapat at seryoso sa trabaho.

Higit sa lahat, walang ‘bagahe’ sa katawan ang abogadong ito.

Ibig kong sabihin, hindi kailaman nasangkot, o namantikaan man lang ang mga kamay nito, sa anumang klase ng katiwalian, korapsyon at higit sa lahat pandarambong na P50 milyon pataas na

ang pinag-uusapan.

Hindi katulad ng pinalitan ni Guevarra sa DOJ na si Atty. Vitaliano Aguirre na nadikit sa anomalya hangang ngayon.

Si Aguirre ang natukoy sa imbestigasyon ng Senado na nagsimula ng konseptong visa upon arrival (VUA) sa Ninoy Aquino Internnational Airport (NAIA) na nagsimula noong 2017.

Ang mga dayuhan, partikukar, ang mamamayan ng People’s Republic of China (PRC) na walang VUA ay kinikikilan ng P10,000 bawat isa para lamang makapasok sa ating bansa kahit walang mga kaukulang dokumento, ayon sa Senado.

Kapag nagbigay ang mga Intsik ng P10,000 na nakabalot sa papel tulad ng pambalot sa pastilyas ay makakalabas na sila mula sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA.

Dito pumasok ang ideyang Non-VUA.

Ayon sa impormasyong inilabas sa Senado, P40 bilyon lahat ang pumasok na pera sa mga utak at protektor ng Pastilyas Gang mula noong 2017 kung saan ginamit ang konseptong VUA at Non-VUA.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi biro ang P40 bilyon!

Si Guevarra ay hindi man lang naiugnay sa korapsyon ng mga taga-BI kahit matagal nang wala si Aguirre sa DOJ.

Wala na rin si Red Marc Mariñas sa BI.

Si Mariñas na dating BI deputy commissioner at hepe ng Port of Operations Division POD ang nangasiwa ng konseptong VUA.

Kahit wala na si Mariñas, nagpatuloy pa rin ang korapsyon ng NAIA-BI hinggil sa VUA at Non-VUA.

Ngunit, hindi napasama si Guevarra sa korapsyong nakadikit sa VUA, lalo na sa Non-VUA.

O, kahit anong korapsyong umiiral sa BI.

Katunayan, pinaimbestigahan pa ito ni Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang korapsyong ito.

Hindi rin kinonsinte ni Guevarra ang ginawa ng opisyal ng NBI na si Atty. John Paul Capiral na pinagkakitaan ang kaso ng mga immigration officer na kasama sa Pastilyas Gang.

Pinahuli, pinakulong at pinakasuhan si Capiral.

Hindi ko alam kung nagsagawa ng imbestigasyon ang PACC tungkol sa korapsyon sa NAIA – BI dahil ang desisyon ng Office of the Ombudsman na anim na buwang suspensyon nang walang suweldo sa 44 sangkot sa natirang korapsyon ay nakabatay sa mga kasong isinampa ng NBI, hindi ng PACC.

Ibig sabihin, walang ginawa sina Jimenez at Belgica sa ­korapsyon sa NAIA-BI.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, hindi ako nagtataka kung walang bilib at tiwala si Duterte sa PACC dahil lumilitaw na mahihinang mga opisyal sina Jimenez at Belgica.

Hindi rin ako nagugulat sa pagpili ni Duterte kay Guevarra na maging hepe ng mga imbestigasyon laban sa PhilHealth at buong pamahalaan kaysa kay Jimenez kahit pa mayroon pa itong kasamang Greco Belgica sa PACC.

Natatandaan ko – at tiyak akong natatandaan din ninyo – na bago utusan ng pangulo si Guevarra na imbestigahan nito ang buong gobyerno, nagpakawala pa si Belgica ng matinding ideya na mayroong mga kongresistang kumita sa mga proyekto ng DPWH.

Kaso, nang hamunin siya ni Representative Michael Defensor na sabihin ang mga pangalan ng mga kongresistang nagkapera sa mga proyekto ng DPWH ay naduwag naman si Belgica na ilabas sa

media ang mga korap na mambabatas.

Hindi humanga si Duterte, kaya hindi binigyan ng pangulo si Belgica ng karagdagang trabaho, tungkulin at obligasyon sa isasagawang imbestigasyon ng DOJ kahit masyadong malaki ang saklaw ng ipinagawa ng pangulo kay Guuevarra.

Ang utos ni Duterte ay malaking hamon nayon kay S­ecretary Menardo Guevarra.

 

Related posts

Leave a Comment