HINDI DAPAT MAKALAYA

SA TOTOO LANG

Nakalulungkot kung mapalalaya si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez para sa good conduct time allowance (GCTA) na nasa batas.

Iyan ang mainit na balita ngayon na humatak muli sa publiko na magbalik tanaw sa krimeng ginawa ng nasabing alkalde. Marami ang tutol dito at naroon ang simpatiya sa mga naulila ng mga naging biktima ng alkalde.

Nakulong si Sanchez noong 1995 nang mahatulan ng seven terms ng reclusion perpetua.

Ang krimen ay naganap noong 1993 kung saan dinukot ang UP Los Baños students na sina Eileen Sarmenta na 21-anyos noon at Allan Gomez, 19.

Si Sarmenta ay ginahasa ni Sanchez habang binugbog naman si Gomez ng kanyang mga tauhan.

Nang matapos si Sanchez kay Sarmenta ay ibinigay ito sa kanyang mga tauhan para muling magahasa saka pinatay nang karumal-dumal ang dalawang estudyante.

Naging guilty si Sanchez sa kasong ito, kasama ng 6 na iba pa.

26 taon na ang nakalipas at walang makalimot sa bangungot na ginawa ng dating alkalde.

Dahil sa balitang makalalaya na ang may sala, sinong hindi magagalit?

Ngunit may paglilinaw sa isyu si Secretary of Justice Menardo Guevarra sa reclusion perpetua at sinabi nitong “Ang mga tao, intindi nila sa habambuhay na pagkabilanggo, literal. Ang maximum lang na pwede i-serve ng preso ay 40 years.”

May paliwanag din ang GCTA ay hindi tumutukoy sa simpleng arithmetics, dapat aniyang may good conduct na ipinapakita, walang bina-violate na rules sa loob ng bilangguan. Saka pa lamang dito papasok ang GCTA computation, kapag nasuring ang preso ay kwalipikado.

Hindi pa nae-evaluate si dating mayor Sanchez hinggil sa GCTA kaya naroon ang sinasabing huwag i-assume ng publiko na makalalaya siya. Totoo naman kaya?

Ayon naman kay Bureau of Corrections  director-general Nicanor Faeldon may violations na nagawa si Sanchez habang nasa loob.

Noong 2006, may pagtatago siya ng ilegal na droga kasama ang drug paraphernalia na bagama’t na-dismiss ay record pa rin iyon. Noong 2010 nadiskubre sa kanyang selda ang P1.5 milyong shabu sa ilalim ng estatwa ng Virgin Mary.

Kapag nakalaya ang mamang iyan, anong assurance natin na hindi siya gagawa muli ng krimen? (Sa Totoo Lang /ANN ESTERNON)

93

Related posts

Leave a Comment