HINDI PARA SA EKONOMIYA ANG NATIONAL ID

KAMAKAILAN, pumunta sa amin ang isang kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) upang isama kami sa ilalatag na National ID System ng bansa.

Nagpalista ako, ang aking may-bahay at mga anak dahil naniniwala kaming malaki ang maitutulong nito sa pakikipagtransaksiyon namin sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Mapabibilis ang transaksyon sa pamahalaan dahil iisang ID na lang ang ipapakita, sa halip na napa­karaming identification cards mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

At pihadong mapapabilang kami sa listahan ng mamamayang Filipino dahil PSA ang nag-aasikaso nito.

Ngunit, hindi ako naniniwalang instrumento ang pambansang ID upang sumulong at umunlad ang ekonomiya.

At kahit kailan ay hindi nito mapapabilis ang pagsigla at pagbangon ng ekonomiya.

Kaya, nagtataka ako sa inilabas na pahayag ni Senador Panfilo Lacson nitong Enero 30 sa kanyang kalatas na: “A full implementation of the Philippine Identification System (National ID) Act will speed up the country’s economic recovery following a 9.5-percent contraction in 2020 due to the COVID-19 pandemic”.

Pokaragat na ‘yan!

Kahit matapos ang implementasyon ng ID ay hindi babangon ang negatibong 9.5 porsiyentong gross domestic product (GDP) ng bansa nitong 2020.

Pinakamababa ang negatibong 9.5% mula nang pasimulan ang GDP sa Pilipinas noong 1946.

Matagal nang isinusulong ang national ID.

Alkalde pa lang sa Lungsod ng Davao si Rodrigo Duterte at opisyal ng Philippine National Police (PNP) si Lacson ay paulit-ulit na iwinawasiwas sa publiko ng mga naniniwala sa ‘kawastuhan’ at ‘kahalagahan’ ng pagkakaroon ng iisang national ID ang Pilipinas upang maging positibo ang pampublikong opinyon ukol dito.

Ngunit, nitong 2018 lamang nagkaroon ng batas para sa iisang pambansang ID.

Nang maging batas ang pambansang ID noong 2018 ay hindi bumagal ang inflation rate sa nasabing panahon.

Hindi rin umangat ang ­halaga ng stocks ng mga kumpanya sa Philippine Stocks Exchange (PSE) sa nasabing panahon.

Ngayong nagsisimula nang ipatupad ang pambansang ID ay hindi nito napahupa ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kaya, walang kaugnayan ang national ID sa ekonomiya.

Ito ang hindi maganda sa ilang senador at kongresista sa panahong ito.

Halos lahat ng isyu, kundi man lahat, ay pilit na idinidikit sa pagpapabilis sa takbo at pagbangon ng ekonomiya.

Kahit nga ang kapapasa ng Kongreso na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises, CREATE Act, ay pampasigla at pagpapabilis sa pagbangon ng ekonomiya.

Totoong mayroong kaugnayan sa ekonomiya ang CREATE Act, ngunit hindi pa rin nito mabilis na ­maibabangon ang lugmok na lugmok na ekonomiya ng bansa.

Ang lantad na magagawa ng naturang batas ay papababain nito ang corporate tax ng mga negosyante upang napakaraming pumasok na mga dayuhang kapitalista sa bansa sa loob ng sampung taon.

Dahil diyan, mahigit P300 bilyon ang mababawas sa buwis na ibabayad ng mga korporasyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ayon sa Ibon Foundation.

Ibig sabihin, ­napakalaking pera ang mawawala sa pamahalaan.

Ibig sabihin, higit na malaki ang kikitain ng mga koraporasyon.

Ang kapalit nito ay ­dadagsa ang mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas dahil inaasahan silang mamumuhunan sa ating bansa sa mga susunod na taon.

Ang teorya ng mga senador at kongresista na nagsulong ng CREATE Act ay siguradong mamumuhunan ang mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas dahil mababa ang corporate tax.

Pokaragat na ‘yan!

At kapag napakarami nang nagnenegosyong dayuhan sa Pilipinas ay lalong sisigla, susulong, uunlad at aangat daw ang ekonomiya ng ating bansa.

Kumbinsido rin ang mga mambabatas na mahigit isang milyon lang ang maibibigay na trabaho ng CREATE Act sa loob ng sampung taon.

Uulitin ko po, walang ­dudang mayroong kinalaman sa ekonomiya ang CREATE Act.

Ngunit, mahirap paniwalaan ang teorya ng mga senador at kongresista na sisigla, susulong at aangat ang ekonomiya ng Pilipinas nang dahil sa substansiyal na pagbabawas ng buwis ng mga malalaking kapitalista.

At siyempre, lalong hindi kapani-paniwala ang pananaw ni Lacson na pabibilisin ng pambansang ID ang bagsak na bagsak na ekonomiya ng ating bansa.

Isang napakalaking kalokohan ang ideya ng senador.

Higit na wasto ang ­paninindigan at panawagan ng mga organisadong manggagawa na ang dagdag na P100 kada araw sa sahod ng lahat ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon ng bansa, ayudang P10,000 sa bawat manggagawang nawalan ng trabaho at pagkakaron ng mga trabaho ng mga manggagawang tinanggal sa kani-kanilang kumpanya ang siyang mga magpapasigla at magsusulong ng ekonomiya.

Hindi sila ekonomista, ngunit alam na alam nila ang simpleng ideya na kapag nadagdagan ang pera ng mga manggagawa, na kapag nagkaroon ng pera ang mga walang trabaho at kung bibigyan ng hanap-buhay ang mga tinanggal sa ­kumpanya upang magkasahod ay gagalaw, sisigla at susulong ang ekonomiya, sapagkat magkakaroon sila ng perang ipambibili ng kanilang mga pangangailangan araw-araw.

Ang pera ang gagamitin nila upang makabili ng mga produktong kailangan nila sa kanilang bahay araw-araw.

Tapos, ang perang mapupunta sa mga negosyante ay siya muling magsisilbing puhunan, o kapital, upang makabili, o makagawa, ng panibagong produktong bibilhin uli ng mga manggagawa.

Ganyan ang pangkalahatang takbo ng ekonomiya ng kapitalistang sistema: Pera para ipambili ng produkto para magkaroon ng pera.

Upang magkaroon ng pera, kailangang magkaroon ng trabaho ang mga manggagawa, o kaya ay magkaroon sila ng sarili nilang negosyo.

Kung maraming pera, o kung mataas ang sahod, ng mga manggagawa ay siguradong higit na marami silang mabibiling mga produktong kailangan nila sa kani-kanilang pamilya araw-araw.

Magreresulta ito sa mas malaking kita ng mga ­negosyante kung saan magkakaroon din sila ng pera – katunayan higit na malaking puhunan, o kapital.

Nagkakaintindihan ba tayo?

104

Related posts

Leave a Comment