HINGGIL SA MGA BOBONG MASA AT PAINTELEKTWAL NA BOTANTE

SIDEBAR

Nakakalungkot basahin ang mga naglalabasang komentaryo sa social media kung saan binabansagang mga “bobo” at “idiots” ang mga masa na bumoto sa mga kandidato ng administrasyon samantalang ang mga maka-Otso Deretso ay mga matatalino at intelektwal na botante.

Humantong na rin sa punto na kailangang i-bash, kutyain at insultuhin ang mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na isang indikasyon na masyadong emosyonal ang mga maka-oposisyon dahil hindi nila lubusang naiintindihan ang dinamismo ng electoral politics sa ating bansa.

Isa sa pinakamatindi umanong insulto at pag-aalipusta ang nagbabalik-Senadong si Bong Revilla na sa kabila ng pagpapawalang-sala sa kanya ng Sandiganbayan sa kasong plunder ay patuloy na sinasabihang “magnanakaw” at “mandarambong” lalo pa kung umaangat siya sa loob ng “Magic 12” base sa unofficial count ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV.

Kung pag-aaralan lang sana ng mga millennials at mga nag-aastang intelektwal sa social media ang pasikut-sikot ng political campaigning, hindi sila sana magiging emosyonal sa kanilang mga kandidato sa pagka-senador kung hindi man pumapasok ang mga ito sa “Magic 12.”

Mahilig na rin lang silang mag-online sa internet, bakit hindi nila i-search ang website ng Pulse Asia o ng ABS-CBN kung saan naka-post ang lahat ng surveys ng patungkol sa May 13, 2019 senatorial race.

Kung wala mang taga-Otso Deretso na pumapasok sa “Magic 12” ng senatorial race, hindi ito nakakagulat kung pagbabasehan ang pinakahuling survey ng Pulse Asia ilang araw bago ang May 13 elections.

Narito ang mga senador na pumapasok sa “Top 15” at ang kanilang posibleng puwesto base sa May 3-6 Pulse Asia survey: Cynthia Villar-1; Grace Poe, 2-3; Pia Cayetano, 2-4; Bong Go, 3-7; Bong Revilla, 4-8; Lito Lapid, 4-9; Bato de la Rosa, 4-9; Sonny Angara, 5-10; Imee Marcos, 6-14; Nancy Binay, 8-15; Koko Pimentel, 9-15; JV Ejercito, 9-15; Jinggoy Estrada, 9-15; Bam Aquino, 9-15 at Francis Tolentino, 10-15.

Kahit balikan ang mga naunang survey ng Pulse Asia noong panahon ng kampanya, makikita na ang mga nabanggit na kandidato rin ang pumapasok sa “Top 15” at maliban kay Aquino ng “Otso-Deretso,” minsan ding pumasok ang pangalan ni Mar Roxas.

Hindi nakaukit sa bato ang resulta ng survey dahil nananatiling dinamiko ang kondukta ng kampanya at alam ng mga campaign strategist na nagsisilbing “guide” ang mga survey para paghusayin ang kampanya at matukoy kung saang mga lugar dapat magpalakas at kung saan dapat konsolidahin ang mga tradisyunal na base na may “command votes.”

At kung nagbabagu-bago ang posisyon ng mga kandidato pagdating ng aktwal na bilangan ng boto ay sanhi ng mga iba’t ibang salik gaya ng endorsement ng maimpluwensyang Iglesia ni Cristo na kilalang bumuboto bilang isang bloke. Tinatayang nasa 1.5 million votes ang kayang i-deliver ng INC at malaking bagay ito lalo na sa mga kandidatong nasa ilalim ng “Ma­gic 12” o ang mga kandidato na nasa mga posisyong 9-12.

Naririyan din ang endorsement value ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayon din sa Pulse Asia ay nasa 20 percent na lubhang malaki kung kaya hindi nakakapagtaka kung bakit walang pumapasok na taga-Otso Deretso sa “Magic 12.” Nasa 10-13 percent naman ang endorsement value ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte na personal na nangampanya sa mga senatorial candidates ng Hugpong ng Pagbabago at lahat ito ay pasok sa “Magic 12.”

At kung pag-aaralan lang ng mga paintelektwal na millennials ang class structure ng Pilipinas, makikita nilang hugis tatsulok ang lipunan at ang pinakamarami ay ang Class “D” and “E” na tumutukoy sa mga anak pawis — manggagawa, magsasaka, tindera sa palengke, mga basurero, driver ng jeepney, tricycle at pedicab.

Ang “bobong masa” ang nagpapanalo sa anumang eleksyon partikular sa nasyunal at hindi ang mga maya­yamang Class “A” and “B” at mga edukadong Class “C” o ang middle class.  Kailangan lang pag-aralan ang dinamismo ng electoral politics para mas maging obhetibo ang pagtingin sa resulta ng eleksyon at hindi maging emosyonal hanggang sa puntong sa­sabihing dinaya ang kanilang kandidato kapag natalo.  (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment