HUWAG HAYAANG ISAHAN TAYO ULIT NG CHINA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MATAGAL na tayong iniisahan ng China at huwag na huwag nating hayaan na isahan muli tayo ng bansang ito dahil kung magpapauto tayo sa kanila lalo tayong paglalaruan at magiging kahiya-hiya tayo sa mundo.

Una tayong naisahan ng China noong magkaroon ng Joint Maritime Seismic Understanding (JMSU) noong 2005 kung saan naisahan nila tayo dahil sinolo nila ang resulta ng pag-aaral kung saan matatagpuan sa West Philippine Sea ang mga naturang resources lalo na ang langis.

May mga nag-leak na impormasyon na ang dami ng langis sa Dubai ay kasing dami ng langis na maaaring makuha sa WPS pero hindi ibinabahagi ng China ang resulta ng kanilang pag-aaral.

Nagkasundo ng dalawang bansa na ibabahagi nila ang lahat ng resulta ng kanilang pag-aaral pero hindi ito nangyari. Bulag ang Pilipinas dahil lahat ng kagamitan na ginamit ay galing sa China.

Mahirap pagkatiwalian ang China at ngayon pursigido silang makuha ang buong WPS dahil alam nila kung gaano kayaman ng teritoryo natin kahit nananalo na tayo sa kaso laban sa kanila sa United Nations (UN).

Ngayon gusto na naman nila tayong isahan. Inuuto na naman tayo na gusto nilang gawing economic hub kuno ang Fuga Islands na bahagi ng Aparri Cagayan dahil alam nilang mahalaga ang ­terit­oryong ito sa kanilang military power.

Kapag nahawakan na nila ang Fuga Islands, lalo nilang makokontrol ang international trade at hahawakan na nila sa ilong, hindi lamang ang Pilipinas kundi ang Japan, Taiwan at United States (US).

Hindi ako naniniwala na gagawing economic hub ang Fuga Islands. Baka military facilities ang itatayo na karagdagan na sa kanilang naitayo sa WPS para makontrol ng tuluyan ang ekonomiya ng mundo.

Sakali ngang economic hub lamang ang itatayo nila sa Fuga Islands? Anong klaseng economic hub ang itatayo nila. Pasugalan para sa POGO operators? Eh di ba ipinagbabawal nila ang sugalan sa kanilang bansa maliban lang sa Macau?

May pakinabang ba ang mga Filipino lalo na ang mga Cagayanos sakaling magpauto tayo sa kanila at payagan nating i-convert nila bilang Economic Hub ang mga island ito sa Cagayan? Palagay ko hindi.

At kapag nakontrol na nila ang Fuga Islands, may makakapigil na ba sa kanila para pasukin na rin ang Benham Rise o Philippine Rise sa Pacific Ocean at bahagi ng teritoryo ng Pilipinas?

Bukod sa WPS ay malaki ang potensyal para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng mga Filipino ang Phillipine Rise dahil sa yaman na makukuha dito pero kapag nakontrol na ‘yan ng China, mawawala na rin sa atin yan.

Kawawa ang mga susunod na henerasyon ng ating lahi. Hindi nila mapapakinabangan kung anong meron sila dahil nanakawin na rin yan ng China sa kanila.
At kapag nakontrol na ng China ang Philippine Rise, napalibutan na nila tayo ng kanilang puwersang militar. Hindi na tayo makakapalag sa kanila at ma­giging puppet na lang nila tayo.

Kaya sana, huwag magpauto ang gobyerno natin sa China at anumang kasunduan sa Fuga Islands ay dapat nang ibasura. Isipin nyo ang kinabukasan ng bansa natin, hindi lang ang kinabukasan ng pamilya nyo!

50

Related posts

Leave a Comment