HUWES AT ANAK NA MANLOLOKO

HINDI na bago ang tinatawag na “hoodlum in robes” sa mga husgado kung saan may kumikitang kabuhayan sa likod ng mga inaareglong asuntong tulad ng nangyari sa isang negosyanteng hiningian ng P5 milyon sa pangakong maabswelto ang kaso.

Ito ang kwento ng anak daw ng isang huwes sa Makati Regional Trial Court (RTC) na ang lakad ay kumausap ng mga akusadong pinangakuan ng absuwelto gamit ang pangalan ng kanyang amang humahawak ng kasong isinampa laban sa isang lehitimong ­negosyante.

Ang siste, hindi naman pinlano o hinanap ng akusado ang serbisyo ng isang areglador sa kinakaharap na kaso sa paniwalang mananaig ang totoo.

Dangan naman kasi, siya ang idiniin sa salang wala naman siyang kinalaman.

At dahil kumbinsidong mababasura naman ang kaso, walang puknat siyang dumadalo sa mga pagdinig na ipinatatawag ng husgado.

Sa kalagitnaan ng pagli­litis, lumapit sa akusado ang isang taong tawagin ­nating Joey. Paandar ni Joey, anak siya ng judge na siyang dumidinig ng asuntong may kaugnayan sa isang proyekto sa gobyerno. Dito na pumasok ang alok na “tulong” kapalit ang “kapirasong konswelo.”

Tama, hindi hiningi ng akusado ang tulong dahil kumbinsido naman siyang siya’y mapapawalang-sala. Pero dahil negosyante, napagtanto niya marahil na malaking abala sa kanyang hanapbuhay ang kinakaharap na kaso – ang resulta, sinang-ayunan na rin niya ang alok na “tulong.”

Laking gulat niya sa halagang kapalit ng tulong – tumataginting na P5 milyon, bagay na kanyang pinag-isipan.

Sa kanyang pagtataya, mas malaki ang mawawala sa abalang dulot ng kaso kaya naman pumayag at ibinigay na rin niya bandang huli ang salaping iniabot niya mismo sa diumano’y anak ng huwes.

Ang siste, hinatulan siya ng korte nito lamang nakaraang Nobyembre. Sa madaling salita, nadorobo siya ng nagpakilalang anak ng huwes.

Nang lumabas ang hatol, kinontak siya ni Joey at nangakong ibabalik ang pera. Matapos ang tatlong buwan, puro pangako lang ang ibinalik ng dorobong fixer sa husgado. Hindi pa dun natapos ang panloloko, muli siyang pinangakuang aregluhin na lang ang asuntong isinampa sa Court of Appeals sa pag-asang bubusisiin ang merito ng kaso.

Ang dorobo nga naman, walang kasawaan. Hangga’t may nakikita, arya lang ng arya.

96

Related posts

Leave a Comment