ILLEGAL ONLINE SABONG SA MAYNILA, NAMAMAYAGPAG

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

NAGHIGPIT ang mga alkalde sa National Capital Region (NCR) nang ipatupad ang modified enhanced community quarantine (MECQ) nitong Agosto 4.

Ipinagbawal na ang mga maliliit na negosyo tulad ng parlor, barbershop, hardware at iba pang hindi importante ang produkto at serbisyong alok sa publiko.

Kahit sugal ay bawal habang umiiral ang MECQ.

Ngunit, kahit umiiral ang MECQ ay patuloy ang operasyon ng “online sabong” na nakabase sa Maynila.

Patuloy ang online sabong na ito kahit “ilegal”.

Ilegal ang online sabong na ito dahil wala itong permit mula sa administrasyon ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at ­Philippine Amusement and ­Gaming Corporation (PAGCOR).

Kung hindi rehistrado, ibig sabihin walang buwis na babayaran ang mga kapitalista nito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa pamahalaang lokal.

Ayon sa impormasyong nakarating sa Badilla Ngayon, beteranong kapitalista sa ilegal na sugal ang nasa likod ng illegal online sabong na ito.

Akala ko noong una ay si alyas “Boy” na ninong ni Mayor Domagoso ang kapitalista ng sabong na ito, ngunit si alyas “Ato” pala.

Matinik ang Ato na ito dahil hindi lang noong pangulo si Joseph “Erap” Estrada napakalakas ng koneksyon at kapit nito sa pamahalaan, kundi hanggang ngayong kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.

Bago magkaroon ng coronavirus 2019 (COVID-19) sa bansa, kumilos na umano si Ato na ­nagresulta sa serye ng operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and

Detection Group (CIDG) laban sa mga kakumpetensiya ng illegal online sabong ni Ato.

Pokaragat na ‘yan!

Kung totoo ito, nangangahulugang napakalakas naman ng Ato na ito dahil sinalakay ng NBI at CIDG ang mga “online betting outlet” ng mga kalaban ng Ato na ito sa negosyo.

Ayon sa imporasyon, ang kumpanya ni Ato ay nakapagpagawa ng “computerized betting machine system” upang plantsado, maayos at epektibo ang operasyon nito sa buong bansa.

Pokaragat na ‘yan!

Matindi ang alyas Ato na ito!

Ang alam ko, matindi ang galit ni Mayor Domagoso sa ilegal na sugal.

Kaya, nang maging alkalde si Domagoso ay literal na tumigil ang mga puwesto ng ilegal na sugal sa Quiapo, Blumentrit at Divisoria.

Dinaig ni Domagoso sina Mayor Ma. Josefina ‘Joy” Belmonte at Mayor Oscar Malapitan dahil mula noong maging alkalde ang dalawang ito sa Quezon City at Caloocan City ay lalo pang namayagpag ang napakaraming uri ng ilegal na sugal sa dalawang lungsod na ito tulad ng tupada, video karera, drop ball, jueteng na nagtatago sa small town lottery (STL) ng Philippine ­Charity

Sweepstakes Office (PCSO), perya ng bayan at iba pa.

Kung totoong nakabase sa Maynila ang illegal online sabong ng pangkat ni alyas Ato, hindi pala totoo na ayaw ni Domagoso ng ­illegal gambling sa Maynila.

Lumilitaw sa nangyaring ito ay iyong maliliit na sugal na nakapuwesto sa bangketa tulad ng kay alyas “Marissa” ang bawal kay Domagoso, ngunit okey kung malakihan at malawakan ang operasyon tulad ng negosyo ng pangkat ni Ato.

Kung totoong galit si Domagoso sa ilegal na sugal, dapat bawal lahat kahit na malakas ang koneksyon at kapit sa administrasyong Duterte ang kapitalista nito.

Dapat, ipinatitigil din ni Domagoso ang online sabong ni Ato upang mapatunayang totoo at tapat siya sa kanyang paninindigan laban sa ilegal na sugal tulad ng online sabong.

68

Related posts

Leave a Comment