IMBESTIGAHAN: BARILAN SA MPD PARA SA KATOTOHANAN

0

KAHIT sinong umupo bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) ay may lumilihis talaga sa kanilang chain of command.

Tulad na lamang halimbawa nitong Biyernes kung saan isang pulis na lasing ang namaril sa Manila Police District (MPD) sa UN Avenue, Maynila.

Sa info na nakuha ng PUNA, dakong 12:45 ng madaling-araw ng nasabing araw ay dumating na lasing si P/EMS Reynante Dipasupil sa MPD headquarters at nagtuloy ito sa opisina ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) at kinuha niya ang kanyang service firearm na mahaba at maikli.

Ilang sandali pa ay namaril ito at kasama ang opisina ni MPD Director, Brig. Gen. Leo Francisco, sa kanyang pinuntahan at pinagbabaril.

Kalaunan, nakabarilan ni Dipasupil si P/EMS Romeo Cantal na nagresulta sa pagkamatay nilang dalawa sa nasabing pangyayari.

May lumalabas na isyu na ito raw si Dipasupil ay galit daw kay Gen. Francisco dahil sinuspinde siya nito.

May nagsasabing itong si Dipasupil ay kolektor daw ng iligal na sugal sa Maynila para sa MPD?

May lumutang na isyu na mayroon umanong sama ng loob itong si Dipasupil kay Gen. Francisco.

Marahil mayroong usapin na hindi pinagkasunduan ang heneral at si Dipasupil, kaya humantong ito sa pamamaril sa opisina ng MPD director.

Totoo man, o hindi, ang mga isyung sinasabing pinagmulan ng pamamaril ni Dipasupil sa himpilan ng MPD, dapat magkaroon ng malalimang imbestigasyon ang awtoridad sa isyung ito.

Mas makabubuti po kung ang National Bureau of Investigation (NBI) ang magsagawa ng imbestigasyon para hindi ­maging bias at magkaroon ng kredibilidad ang resulta ng imbestigasyon.

Pangit na pulis din ang mag-iimbestiga sa kapwa nila pulis.

Hindi magiging kapani-paniwala ang resulta ng imbestigasyon.

Para patas ang imbestigasyon, ipasa sa NBI dahil kailangang makalkal at malaman ang katotohanan ukol sa isyung si Dipasupil daw ay kolektor ng mga ilegal na pasugalan sa Maynila para sa MPD.

Maraming pagkakataon na madalas pinag-aawayan ng mga awtoridad hanggang sa humahantong sa patayan ay ang pera.

Kawawa naman ang ­inosenteng pulis na nadamay sa inyong away tulad ni Cantal na dahil lamang sa pagtupad sa kanyang tungkulin ay namatay siya.

May kapabayaan din ang duty officer sa MPD headquarters noong oras nang mangyari ang krimen.

Bakit pa nila pinapasok ang pulis na lasing at nakakuha pa ng baril sa opisina kung saan siya nakatalaga?

Alam n’yo nang lasing itong si Dipasupil, bakit pinapasok n’yo pa siya sa MPD headquarters?

Kung hindi nakakuha ng baril si Dipasupil sa kanilang opisina ay wala sana siyang nagamit na baril para iputok sa kanyang mga kapwa pulis .

Kung hindi gagawa ng paraan ang pamunuan ng PNP para matigil ang ganitong mga krimen na kagagawan ng pulis ay paulit-ulit itong mangyayari.

Pinakamahalaga ang values ng isang tao, lalo sa mga awtoridad na may dalang armas dahil maaari nila itong gamitin sa kapwa nila awtoridad, o kaya sa ordinaryong sibilyan na dapat nilang pinagsisilbihan.

Ang problema sa tuwing nagkakaroon ng ganitong pangyayari na kinasasangkutan ng pulis ay laging sinasabing isolated lang.

Hindi na biro ang sunud-sunod na pangyayari dahil marami na ang napeperwisyo hindi pa man nareresolba ang mga naunang isyu, mayroon na namang isyu ukol sa pulis.

Sino kaya ang magpapatino sa inyo?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email: joel2amongo@yahoo.com at cel# 0977-751-18-40.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment