INTERNET SPEED SA ­PINAS MAY PAG-ASA PA

0

ISANG magandang development ang ating nabalitaan na bumibilis na raw ang internet connection sa bansa. Bagay na positibong balita sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon kasi, negatibo ang naririnig at nababasa natin patungkol sa kaniyang administrasyon.

Una na dito ay yung walang katiyakan kung kailan ba ang rollout ng bakuna sa covid-19. Napag-iwanan na tayo ng iba at ang masaklap ay mukhang wala pang kasiguruhan kung kailan ba ito tuluyang darating sa bansa.

Bukod diyan ay mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin habang namamalagi ang katotohanan na naghihingalo pa rin ang lagay ng ating ekonomiya na hindi natin alam kung paano ito maisasalba.

Buti na lang at may ibang ahensiya ng pamahalaan na hindi tumitigil sa pagtupad ng kanilang mandato sa publiko. Isa na diyan ang Department of Information and Communications ­Technology o DICT na pinamumunuan ni ­Secretary Gregorio ‘Gringo’ Honasan.

Mula raw sa ika-111 pwesto nasa ika-86 na ang ranking ng Pilipinas kung ang pag-uusapan ay ang mobile speed internet ng ibat-ibang mga bansa sa buong mundo.

Malaki ang iniakyat ng ating pwesto na nangangahulugang ‘improving’ na ang lagay ng kalidad at bilis ng internet service natin bagaman noon ay inirereklamo ng marami nating mga kababayan.

Sabi ni Honasan, patuloy sila ngayon sa pagmonitor ng­ ­performance ng mga Telcos at tinututukan din ng kaniyang departamento na masiguro ang mabilis na pagtatayo ng kinakailangang mga imprastruktura upang matiyak na mapapaganda pa ng husto ang kanilang serbisyo sa publiko.

Kaya naman lubos-lubos din ang pasasalamat ng telcos o mga kumpanya na provider ng internet service sa bansa dahil natututukan na ng husto ang kanilang mga proyekto.

Nakadagdag din ang pagpasok ng iba pang pribadong internet providers para magkaroon ng magandang kumpetisyon sa serbisyo habang ang DICT naman ay isinusulong din ang free wifi access para sa lahat ng mga Filipino.

Siyempre hindi mangyayari ang lahat ng ito kung walang mahigpit na kautusan at mabigat na salitang binitiwan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang siya man ay kwinestyon ang kabagalan ng internet service sa bansa. Nang mabwisit ang pangulo, agad niyang ipinag-utos sa lahat ng concerned agencies na pagandahin, ayusin at paunlarin ang bilis at kalidad ng internet sa bansa.

Sana raw ay makasabay man lang tayo sa lakas at bilis ng internet service sa ating mga karating bansa sa Southeast Asia.

Wala pang isang taon nang mag-alburoto ang pangulo, heto na ang resulta. Kayang-kaya naman pala.

Sa bahaging ito ay maa-appreciate natin si Pangulong Duterte. Buti na lang din at meron siyang gabinete na kagaya ni Honasan na trabaho lang ang inaatupag at hindi pamumulitika gaya ng iba.

Sabi ni Honasan, “our vision of digital transformation shall be realized if all filipinos, regardless of who they are and where they are in the country, have quality access to internet connectivity services at affordable prices.”

Sana magtuloy-tuloy na ang ganitong mga improvements. Umaasa tayong hindi magtatagal at lalo pang gaganda ang katayuan ng internet sa bansa. Mahalaga ito ngayon lalo na sa ‘new normal’ kaya sana lalo pang maisaayos ng DICT, National Telecommunications Commission, Telco firms, Local Government Units (LGU) at iba pang government agencies.

Related posts

Leave a Comment