ISA NA NAMANG OFW NA BIKTIMA NG PANG-AABUSO SA SAUDI ARABIA

0

HALOS hindi ko na mabilang kung gaano kadami ang mga kababayan natin na nagtatrabaho sa ­Middle East ang humingi ng saklolo dahil sa nararanasang pang-aabuso mula sa kanilang mga amo.

Ayoko isipin na marami sa mga kababayan natin na nagtutungo lalo na sa Kingdom of Saudi Arabia (K.S.A.) para doon magtrabaho ang madalas na dumadaan sa ganitong sitwasyon.

Pero ang mahalaga kapag may kababayan tayong humihingi ng tulong ay agad-agad kumikilos kami sa AKOOFW para ipaabot ang mahalaga at sapat na tulong para sa kanila.

Sino pa ba ang tutulong at magmamalasakit sa kapwa natin Filipino kundi tayo rin na mga Filipino lalo na ang ­kapwa nila OFW?

Pinakabagong kaso na idinulog sa amin ay ang patungkol sa kababayan nating si Noraisa Adal Pinguiaman na nagtatrabaho sa Makkah, Saudi Arabia.

Siya ay naka-alis sa Pilipinas sa pamamagitan ng Adnan Manpower Agency para magtrabaho sa nabanggit na bansa bilang isang domestic helper.

Sinalo naman siya ng Mohammed Fakieh OFC Manpower Supplies sa Makkah, K.S.A. at ipinasok ng trabaho sa kaniyang ­employer na nakilalang si Nayef Turki Faisal Alsharef na may address na Makkah Al Shisha Bindawood Supermarket.

Ang mga sumbong na ipinarating sa amin sa AKOOFW ay may kaugnayan sa kasong maltreatment, overwork, no proper food, ikinulong sa kuwarto, verbal abuse, delayed salary at no contact with her family.

Kinuha rin umano ng amo ni Noraisa ang kaniyang telepono (celfone) simula nang iparating niya sa kaniyang mga kamag-anak dito sa Pilipinas ang sitwasyon niya doon sa Makkah, K.S.A.

Sa kwento ng kapatid ni Noraisa na si Rayhana Gomonsang, noong 2019 pa unang inireklamo sa kanila ang masaklap na kalagayan nito sa kaniyang amo.

Sila naman na nandito sa Pilipinas ay humingi na ng tulong sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno para makauwi sa bansa pero hindi pa ito tinutugon hanggang ngayon.

Sinasabi ni Noraisa na nasa embahada na daw siya ng Pilipinas doon sa K.S.A. base sa huli nilang pakikipag-usap at hindi lang daw ito pinapayagang makauwi mismo ng ating embahda dahil na rin sa covid-19.

Pero nitong Enero a-1 ay nakausap muli nila si Noraisa sa telepono.

Habang kausap ang kaniyang mismong asawa ay nakabantay daw ang kaniyang amo.

Hinampas pa raw ito ng palanggana sa lababo at sa sobrang lakas ng pagkakahampas ay nabasag pa ang mismong palanggana na inihampas sa kaniya.

Maraming beses din daw nangyari ang mga ganoong insidente lalo na kapag may kaunting pagkakamali siyang nagagawa sa kaniyang pagta-trabaho.

Mula 2019, dalawang beses pa lang din daw pina-sweldo si Noraisa. Una ay 500 Riyal at 1000 Riyal naman noong buwan pa ng Oktubre.

Sinabihan din daw siya ng kaniyang amo na diretsong ipinadadala sa kaniyang asawa ang kaniyang sweldo na mariin naman itong itinaggi ng kaniyang mister dahil wala naman itong natatanggap na perang padala mula sa biktimang OFW.

Dapat ay agad na matulungan ang mga kababayan nating OFW na nasa ganitong kalagayan.

Kami sa AKOOFW ay hindi titigil na mabigyan ng aksyon ang mga ganitong sitwasyon sa pamamagitan na rin ng madalas na pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Sisikapin naming na gawin ang kaukulang hakbang at may awa ang Panginoong Diyos na maisasalba natin si Noraisa sa mapait na kalagayan niya sa kaniyang amo doon sa Saudi Arabia.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

Related posts

Leave a Comment