ISABANSA ANG SERBISYO NG TUBIG!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Ang pagkawala ng tubig sa Metro Manila at sa mga karatig-probinsya ay epekto ng pagsasapribado sa napakahalagang serbisyo publiko. At dahil sila ay mga kompanya na kita ang pangunahing motibo at hindi ang serbisyo publiko, walang pananagutan ang mga pribadong kompanya sa mamamayan.

Mula pa Abril ay pinerwisyo na tayo ng pagkawala ng tubig. Sa Mandaluyong, halimbawa, may mga ulat na dalawang oras lamang kada linggo nagkaroon ng mahinang tulo sa gripo matapos ang isang linggong wala ni isang patak ng tubig.

Ang sabi ng Manila Water at ng Maynilad ang water interruptions ay dahil umano sa El Niño. Ang El Niño ay tagtuyot dulot ng natural na pangyayari o natural occurrence. Ang El Niño ay predictable weather event, ibig sabihin, alam natin kung kailan ito mangyayari.

Malaking kapabayaan para sa mga higanteng water concessionaires na ito ang kawalan ng paghahanda para sa El Niño. Hindi rin sila nakipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at ng National Water Resource Board para pag-usapan kung paano paghahandaan ang epekto ng El Niño sa sup­lay ng tubig. Talagang wala silang tunay na pag-alala sa kapakanan ng mamamayan. Bukod pa rito, mula 2012 ay nangongolek­ta na ng dagdag bayarin sa ating bills ang Manila Water at Maynilad para umano sa mga proyekto ngunit wala naman silang ginawa. Ang mga proyektong ito ay dapat sanang sisiguro sa tuluy-tuloy na suplay ng tubig. Pataas na nga nang pataas ang bayarin, palala nang palala naman ang kanilang serbisyo!

Malala pa, ang solusyon na nais nila ay ang pagtatayo ng Kaliwa Dam na sisira ng kalikasan at magpapalayas sa libu-libong katutubo sa Sierra Madre.

Uutangin sa China ang pagpapagawa ng dam na ito, na tiyak na lulubog na naman tayo sa utang. Dito lumalabas ang kahalagahan na ang mga susing serbisyo-publiko ay hindi kontrolado ng iilang mga negosyante at kompanya. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

111

Related posts

Leave a Comment