ISPORTS, KASIYAHAN NG MGA PILIPINO SA PANAHON NG PANDEMYA

0

NANG dumating ang COVID-19 sa ating bansa, pansamantalang huminto ang takbo ng lahat.

Lahat ay nangapa kung paano magpapatuloy sa buhay sa kabila ng pandemya. Ang ating kagustuhang makaiwas sa virus at mapigilan ang pagkalat nito ang naging sanhi ng pagkakaroon ng tinatawag na ‘new normal’.

Hindi lamang sa pinansyal na aspeto ng buhay naapektuhan ang karamihan sa atin kundi pati na rin sikolohikal.

Napakalaking tulong ng isports sa pagpapanatili ng katinuan ng marami sa atin. Ang muling panunumbalik ng mga torneyo na maaaring subaybayan ng mga tagahanga nito ay isang malaking tulong sa pagpapanatili ng kalusugang pang-sikolohikal ng mga ito.

Maraming mga tagasubaybay ang nagalak sa muling pagbabalik ng ikalawang yugto ng NBA 2020. Naging matagumpay ang pagtatapos ng regular na season ng NBA, at sila ay dumerecho na sa tinatawag na playoffs. Nanaig ang koponan ng Los Angeles Lakers kontra sa Miami Heat.

Hindi naman nagpahuli ang lokal na asosasyon ng basketball sa bansa, ang Philippine Basketball Association o PBA.

Gamit bilang inspirasyon ang ‘bubble’ na ginawa ng NBA upang maituloy ang naantalang torneyo, nagpagawa rin ng ‘bubble’ sa Clark, Pampanga upang maidaos ang All Filipino Cup Season.

Nanaig ang Ginebra San Miguel kontra sa TNT Tropang Giga matapos ang limang laro.

Isa pang magandang balita ay ang pagsasanib-puwersa ng FIBA at ng Smart, isa sa mga malaking kompanya ng telekomunikasyon sa bansa, para sa gaganaping FIBA Basketball World Cup 2023.

Ang apat na taong pagsasama sa pagitan ng Smart, FIBA, at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay pormal na inanunsyo sa isang virtual na press conference na ginanap kamakailan.

Ito ay tiyak na maghahatid ng saya sa tahanan ng mga pamilyang Pilipino. Sa ilalim ng kasunduan ng mga Partido, Smart ang magiging opisyal na katuwang ng FIBA World Cup 2023.

Smart ang mangangasiwa sa paghahatid ng serbisyo ng telekomunikasyon na may kinalaman sa nasabing torneyo.

Ang virtual press conference ay dinaluhan ni Manuel V. Pangilinan, PLDT Chairman, SBP Chairman Emeritus at FIBA Central Board Member; Alfredo S. Panlilio, Smart President and CEO at SBP President; at ni FIBA Secretary General Andreas Zagklis.

Ngayong panahon ng pandemya ay lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng mabilis at maaasahang serbisyo ng internet at mataas na antas ng bilis ng mobile data.

Sa aspetong ito ay malaki ang gagampanan ng Smart sa mga kaganapang may kaugnayan sa FIBA Basketball World Cup 2023 gamit ang kanilang pinakabagong teknolohiyang Smart 5G.

Makakaasa ang mga tagasubaybay sa isa na namang kapana-panabik at puno ng aksyon na torneyo na maaari nilang mapanood sa kani-kanilang mga tahanan.

Sa kabila ng pandemya at kalamidad na ating pinagdaanan, may mga bagay pa rin tayong dapat ipagpasalamat. May mga bagay pa rin na maaaring makatulong na maibsan ang epekto ng pandemya at ng mga pagsubok na ating kinaharap ngayong taon, lalo na para sa kalusugang sikolohikal ng mga Pilipino.

Hindi man maituturing na frontliner ang mga atleta at iba pang tao sa likod ng mga torneyong ito, sila ay maituturing pa ring bayani sa ating bagong normal.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment