KAILANGANG IBASURA ANG RICE LIBERALIZATION LAW!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

PARA sa mga Makabayang mambabatas na sina Kaloi Zarate at Ferdie Gaite ng Ba­yan Muna, malaki ang pangangailangan na ibasura na ang Rice Li­beralization Law dahil ito ay napatunayan na sa karanasan na anti-magsasaka.

Datos mismo ng gob­yerno ang nagsasabi na nababangkarote ang mga magsasaka dahil sa pag-i-import ng bigas. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang isang kilo ng palay ay bumagsak sa halagang P15.96 sa ikatlong linggo ng Setyembre, ito ay bumagsak ng 1.4% mula noong isang linggo, at 30.1% naman mula noong isang taon.

Dagdag pa ng PSA, ang average na farm gate price ng palay ay lu­magapak sa pinakamababa sa loob ng walong taon. Nakatanggap din ng ulat ang Bayan Muna mula sa grupo ng mga magsasaka na ang kilo ng palay ay umaabot na sa presyong P5-7 na lamang sa ilang lugar. Mas mura pa sa presyo ng darak ng palay!

Kaya naman ang Makabayan bloc sa Kongreso, na binubuo ng Bayan Muna, Gabriela, Kabataan, at ACT Teachers at ang iba pang mambabatas sa Kongreso ay naghain ng resolusyon upang dagdagan ang budget ng pagbili ng palay sa mga magsasaka sa halagang P15 bilyon, sa pamamagitan ng supplemental budget. Ito ay pansamantalang tulong lamang, ngunit makakasalba sa mga magsasakang biktima ng Rice Liberalization Law. Maaaring ikamatay na ng ating industriya ng bigas ang batas na ito.

Tinanggal din ng Rice Liberalization Law ang kapangyarihan ng National Food Authority o NFA na bumili ng palay sa mga magsasaka, na sana ay kahit papaano ay maiimpluwensiyahan nito ang presyo ng bigas, upang hindi naman ma­ging napakababa, dahil sa pagbuhos ng imported at smuggled na bigas.

Sa dulo, ang kailangan talagang mangyari ay mabasura na ang Rice Import Liberalization Law bago pa tuluyan nitong mapatay ang mga magsasaka at ang agrikultura ng Pilipinas.   (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

82

Related posts

Leave a Comment