KALIGTASAN SA COVID-19 NAKASALALAY SA TAUMBAYAN

0

NABABAHALA tayo sa ating nakikita na sobrang dami na ng taong lumalabas ngayon ng kanilang tahanan.

Bakit kamo? Kasi simula na namang magkabuhol-buhol ang mga sasakyan sa lansangan sa dami ng mga tao.

Katunayan ito na balewala na sa mga Pinoy ang pandemic ng COVID-19 na hanggang ngayon ay patuloy na nanghahawa at maraming namamatay.

Nakikita natin sa mga tiangge ang dami ng mga namimili na hindi na nasusunod ang physical distancing at iba pang health protocol.

Resulta nyan sa sunod na taon (2021) posibleng biglang lobo ang may COVID-19 sa Pinas.

Sabi ni Sec. Carlito Galvez na siyang hinirang na ‘vaccine czar’ baka sa kalagitnaan pa ng 2021 tayo magkaroon ng bakuna mula sa mga bansang gumagawa nito.

Siyempre bago tayo mapagbentahan ng Amerika, China at iba pang bansa sa Europa na gumagawa ng bakuna ay uunahin muna nila ang kanilang mga kababayan na turukan ng bakuna.

Pero mismong si Sec. Galvez ay hindi nakakasiguro na sa kalagitnaan ng 2021 ay makabibili na ang Pilipinas ng bakuna.

Pag minalas-malas tayo, baka sa taong 2022 pa tayo magkaroon ng bakuna sa COVID-19.

Bagamat hindi tayo eksperto pagdating sa mga sakit na nakahahawa ay nangangamba tayo at nag-aalala na baka sa sunod na taon ay biglang dumami ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sobrang nakababahala ang walang pakundangan pagdami ng mga tao sa lansangan na nagiging dahilan din ng matinding masikip na daloy ng mga sasakyan.

Araw-araw na namang trapik sa kahabaan ng EDSA hanggang papalabas ng North Expressway sa may Balintawak area.

Ganun din sa may kahabaan ng Commonwealth partikular sa may area ng Fairview. Grabe na rin ang trapik sa Mindanao Avenue hanggang sa may kanto ng Quirino Highway.

Nagkalat na rin ang mga katutubo na sumasampa sa mga pampasaherong sasakyan sa ibat-ibang mga lansangan na nangangaroling sa mga pasahero.

Sa may Susano Road sa Novaliches, Quezon City, simula nang pagpasok ng huling Linggo ng Oktubre hanggang sa kasalukuyan ay dumami ang mga batang sumasampa sa mga dyip na nangangaroling gamit ang kanilang daladalang lata na ginawang mga tambol.

Kadalasan pa sa kanila ay walang mga face mask na suot na kinokonsinte rin ng kanilang mga magulang na kasama.

Dapat makiisa ang Local ­Government Units (LGUs) sa ­paghuli sa mga batang ito at kanilang mga magulang na namamasko sa mga pampublikong sasakyan.

Maging ang mga barangay officials at mga pulis ay dapat ding kumilos para hulihin ang mga batang ito at kanilang mga magulang.

Kailangan natin magkaisa para sa ikabubuti nating lahat at maiwasan ang mabilis na pagkalat ng virus na pumapatay ng mga tao sa buong mundo.

Hindi ordinaryo ang panahon na basta-basta na lamang tayo lalabas para lang ipagdiwang ang kapaskuhan.

Hindi dapat tayo maging kampante at ‘wag natin balewalain ang COVID-19 dahil mabilis itong nakahahawa.

Hindi lang dapat makuntento sa paalala ang gawin ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga pasaway kundi talagang ipatupad ng mahigpit ang mga health protocol.

Hindi lang kalusugan nila ang nakasalalay dito kundi maging ang mga nakararaming mamamayan na pwede nilang mahawahan.

Siyempre pag-uwi ng mga yan sa kani-kanilang mga lalawigan at sa kanilang mga pamilya ay sila ang magdadala ng virus.

Nakita natin na karamihan na tumataas na kaso ng COVID-19 ay nasa mga lalawigan na. Kabilang na dito ang Davao, CALABARZON at iba pa.

Kahit na wala pang mga sasakyang pampubliko papunta sa mga lalawigan mula sa National Capital Region (NCR) ay may nakalulusot namang pribadong sasakyan na ginagamit pampasahero.

Kaya ayon patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga lalawigan.

Kailangan tumulong ang mga tao sa gobyerno kung papaano mapabagal ang pagkalat ng virus na dala ng COVID-19.

Kung hindi ay marami sa atin ang malalagay sa panganib sa COVID-19.

Ang COVID-19 ay problema ng buong mundo kaya lahat ng bansa ay nangangailangan ng bakuna. Kaya nga ngayon ay unahan na sa pagbili nito. Suwerte kung sa susunod na taon ay agad tayong mapagbebentahan, papaano kung hindi pa? Nganga tayo!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment