KAMPANYA SA SUGAL NINGAS KUGON?

SA pag-upo ni P/Gen. Archie Francisco Gamboa bilang hepe ng Pambansang Pulisya, kaagad na ipinag-utos nito sa kanyang alagad ang pagpapatigil sa lahat ng uri ng sugal sa buong bansa.

Binalaan nito ang lahat ng regional directors, district directors, provincial directors, regional officers, chiefs of police, station commanders at police community precinct com­manders na ipapatupad niya ang ‘one strike policy’ kapag hindi ang mga ito sumunod sa kanyang kautusan.

Bilang pagtalima sa kautusan ni Gamboa, maging ang sugal sa lamay sa patay ay ipinagbawal na rin sa Metro Manila ni National Capital Region Police Office director P/MGen Debold Sinas.

Natural, marami ang nagulat sa pahayag ng heneral na nakatalaga sa Kamaynilaan dahil marami ang maaapektuhan lalo na iyong mahirap na pamilya na kailangan ang ‘tong’ bilang pandagdag sa gastos sa pagpapalibing sa kanilang kaanak.

Kung mga sugal na panglamay lang naman, hindi siguro problema na pagbigyan ng Philippine National Police (PNP) pero kung ang sugal na ihahain sa mga naglalamay ay tulad ng sakla, ito siguro ang dapat na pigilan ng mga pulis.

Sabagay, kampante lang naman ang mga may pasugal sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa Luzon dahil para sa kanila, ningas kugon lang ang ginagawa ng PNP sapagkat dati na nilang pinag-daraanan ang ganyang estilo ng pulis.

Para sa mga financier at operator ng illegal gambling, nagpapataas presyo lang ang mga nasa itaas o mga opisyal na naghihigpit sa sugal.

Tanong ng PUNA, kaya nga ba ng PNP na ipatigil ang ilegal na sugal?

Alalahanin ni Gamboa, panahon pa lang ni Jesuskristo  ay marunong na magsugal ang mga sundalong Romano kung kaya’t maging ang damit ni Hesus ay kanilang pinagpustahan.

Magkagayunman, naniniwala naman ang PUNA na tuloy-tuloy lang ang kampanya ng pulisya laban sa ilegal na sugal upang hindi magduda ang mga tao sa pamunuan ni Gamboa.

Maaaring totoo na ayaw niya ng sugal kaya’t dapat niyang patunayan ito sa pamamagitan nang hindi pakikipag-usap sa mga operator at protector nito.

Madali naman mag-­analyze ang taumbayan. Kapag nakita nilang tapat ang pagpapatupad ng batas, hindi mawawala ang tiwala ng mga ito sa mga alagad ng batas.

Pareho lang naman ang nais ng PNP at mamamayan, matahimik at maayos na pamayanan kaya kailangan na ang bawat isa ay magtulungan at hindi ang magsiraan.

Dahil kapag magkasundo ang dalawang panig, parehong makikinabang at walang magiging problema saang anggulo man tingnan.

 

91

Related posts

Leave a Comment