KASAMA BA MGA INTSIK SA COVID-19 CASE SA PINAS?

0

LAGPAS na sa 276,000 ang naitalang COVID-19 case sa Pilipinas simula noong Enero at kung hindi bababa ang trend, malamang ay aabot ng 300,000 ang tatamaan ng virus na ito bago matapos ang buwan ng Setyembre.

Pero ang hindi nililinaw sa atin, ang mga nagkaroon ba ng COVID-19 ay puro Filipino o may mga Chinese nationals din?

Mukha kasing puro Pinoy ang mga inuulat na nagkaroon ng virus na ito maliban dun sa mag-asawang Chinese na mula sa Wuhan, China na kauna-unahang COVID-19 case sa ating mahal na bansa.

Tandaan natin na napakaraming Chinese nationals dito sa Pilipinas mula nang magkaroon ng POGO. Sa imbestigasyon nga ng dalawang Kapulungan ng Kongreso, tinatayang hindi sila bababa sa 300,000 na nagtatrabaho sa mga POGOhan sa Metro Manila.

Hindi pa dyan kasama ang mga nagkalat sa iba’t ibang lugar sa ating bansa kaya imposibleng puro Pinoy lang ang nagkakaroon ng COVID-19 at napakusuwerte naman nilang nilalang kung exempted sila sa virus na nagmula sa kanilang bansa at kumalat sa apat na sulok ng mundo.

Kahit sa Chinese Embassy wala tayong nababalitaan na may nagkaroon ng COVID-19 case. Ano exempted sila? Ang mga Embahada natin sa ibang bansa lalo na sa Gitnang Silangan marami silang staff na nagkaroon ng COVID-19.

Pero dito sa ating bansa, wala tayong nababalitaan na may mga staff ng embahada ng iba’t ibang bansa ang nagkaroon ng COVID-19 lalo na ang China kaya mapapatanong ka, exempted ba sila?

Dapat sabihin ng Department of Health (DOH) kung ilang dayuhan ang nagkaroon ng COVID-19 sa ating bansa. Anong nasyonalidad nila dahil kung ang mga report ang pagbabasehan, parang sinasabi na puro Pinoy lang ang mahina ang resistensya.

Hindi ako naniniwala na walang Chinese nationals ang nagkaroon ng COVID-19. Imposible yun dahil walang social distancing sa mga Pogohan at ang balita ay hanggang 10 Intsik ang nagse-share ng isang kuwarto na tinutulugan nila.

Bago lumala ang COVID-19 sa Pinas, marami na tayong nakukuhang impormasyon na kapag may nagkasakit na POGO workers, ay dinadala nila ito sa isang lugar sa isang probinsya para gamutin pero hindi malaman kung COVID-19 ba ang sakit at hindi na nirereport sa ating mga otoridad.

Sa report din na natanggap natin, kapag may Chinese national na namamatay ay agad na pinapa-cremate at hindi rin ito inerereport dahil lahat ng kilos ng mga dayuhang ito, lalo na’t ilegal na nagtatrabaho sa ating bansa ay itinatago sa ating mga otoridad.

Hindi ba mayroon nang nahuling mga ilegal na hospital para lamang sa mga Chinese national na nagkakasakit ng COVID-19? Ano na nga pala ang nangyari sa mga yun? May kinasuhan ba o nagkalimutan na lang?

Kung walang access ang ating gobyerno sa mga dayuhang ito at hindi nila nalalaman ang bilang ng mga nagkakasakit sa kanila, baka nga puro Pinoy ang nasa listahan ng COVID-19 case. Pero kung  isinama ang mga Chinese nationals na nagkasakit ng COVID-19, baka mas malaki ang kasong naitala sa ating bansa.

Kailangang magkaroon ng access ang DOH para maipatupad din sa kanila ang contract tracing at mapigil ang paglaganap ng virus na ito sa ating bansa. Walang kuwenta ang lahat ng ginagawa ng gobyerno sa mga Filipino kung may mga dayuhan ang hinahayaang nagkakalat naman ng virus.

Related posts

Leave a Comment